ITINIGIL muna ang location shooting para sa historical movie na “Malvar,” ang pelikula tungkol sa buhay ng bayaning si Heneral Miguel Malvar na pagbibidahan ni Sen. Manny Pacquiao.
Ito’y dahil na rin sa biglang pagputok ng Taal volcano. Ilan kasi sa mga lugar na pagsusyutingan ng “Malvar” ay ang Batangas, Cavite, Laguna at Rizal na direktang apektado ng pagsabog ng bulkan.
Ayon sa may-ari ng JMV Production na si Atty. Jose Malvar Villegas Jr., apo ni Heneral Miguel Malvar at founder ng Citizen Crime Watch (CCW) at ng Katipunan Kontra-Krimen at Koruption (KKK), kailangan muna nilang itigil ang location shooting sa ilang bahagi ng Calabarzon para sa kaligtasan na rin ng kanilang mga artista at staff.
Pero aniya, ang shooting nila sa Visayas ay tuloy-tuloy pa rin para hindi maantala ang pelikula na planong ilaban sa Metro Manila Film Festival 2020.
Kung matatandaan, 1911 naganap ang isa sa pinakamalakas na pagsabog ng Taal volcano kung saan humigit-kumulang 1,135 ang namatay. Base sa mga ulat, si Heneral Miguel Malvar ang namuno sa relief operations upang tulungan ang mga nasalanta ng pagsabog, na noong mga taong iyon ay bumalik na ulit ang magiting na Hereral bilang isang pangkaraniwang mamamayan, pagkatapos ng Digmaang Pilipino-Americano.
Ang pelikulang “Malvar” ang sinasabing magpapatingkad sa pagiging aktor ni Sen. Pacquiao na siyang gaganap bilang Hen. Malvar kasama ang isang all-star cast sa pamamahala na rin ni Camarines Sur Vice-Gov. Imelda Papin, Pangulo ng Actors Guilt of the Philippines. Dito ipakikita ang kabayanihan ng mga bayani sa Visayas tulad ni Hen. Pantaleon Villegas, Graciano Lopez Jaena, Teresa Magbanua, Hen. Alcadio Maxilom, Hen. Aniceto Lacson, Hen. Juan Araneta, Hen. Mateo Luga, Hen. Gavino Sepulveda, Hen. Pantaleon Del Rosario, Col. Eugenio Daza, Hen. Vicente Lucban, Hen. Martin Delgado, Hen. Quintin Salas, Hen. Leandro Fullon at Ramon Avencena.
Samantala, bilang pakikisimpatya sa mga kababayan nating nasalanta ng pagsabog ng Bulkang Taal, mamimigay ang JMV Films ng 20,000 piraso ng surgical mask para magamit ng mga residente sa mga apektadong lugar.