Ginebra asinta ang PBA Governors’ Cup title

Laro Ngayong Biyernes (Enero 17)
(Mall of Asia Arena)
7 p.m. Meralco vs Barangay Ginebra
(Game 5, best-of-7 Finals)

MAUWI ang ikatlong PBA Governors’ Cup title sa loob ng apat na taon ang hangad ng Barangay Ginebra Gin Kings kontra Meralco Bolts sa Game 5 ngayong Biyernes ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Itotodo na nang Gin Kings ang lahat laban sa Bolts ganap alas-7 ng gabi ngayong Biyernes.

Lumapit ang Barangay Ginebra sa isang panalo sa pagkubra ng Governors’ Cup title matapos durugin ang Meralco, 94-72, sa Game 4 ng kanilang best-of-seven championship series Miyerkules ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

“We were very methodical tonight in breaking them down on the offensive side,” sabi ni Barangay Ginebra coach Tim Cone, ang two-time PBA Grand Slam winner na napipintong makuha ang ika-22 korona sa PBA, na siyang pinakamaraming titulo sa kasaysayan ng liga.

At dahil sa ipinakitang husay ng Barangay Ginebra sa hardcourt noong Miyerkules ng gabi hindi malayong tapusin na nila ang serye ngayong Biyernes ng gabi. Magkakaroon naman ang Gin Kings ng tatlong pagkakataon para mauwi ang titulo umpisa sa Game 5.

Nakaratsada ang Barangay Ginebra sa ikalawang yugto sa Game 4 para makalayo at itayo ang 42-31 halftime lead sa likod nina Justin Brownlee at Scottie Thompson. Nagawa rin nilang madepensahan si Meralco import Allen Durham, na tinapos ang Game 4 na may 21 puntos at 27 rebounds.

“We did a great job against Durham. We held him to nine points in the first half,” sabi pa ni Cone.

Hindi naman naging maganda ang umpisa ng paglalaro sa Game 4 ni Durham matapos na tanghaling Best Import at maging ikalawang import na magwagi ng higit sa dalawang best import trophies matapos ang yumaong si Bobby Parks.

Pinamunuan ni Brownlee ang Barangay Ginebra sa Game 4 sa itinalang 27 puntos, walong rebounds at walong assists. Nag-ambag naman sina Stanley Pringle at Thompson ng 21 at 16 puntos.

Si Raymond Almazan, na naglaro na may iniindang left knee injury, ay gumawa ng 12 puntos at siyam na rebounds para sa Bolts subalit kapos pa rin ang kanyang kontribusyon dahil nagawang dominahin ng Barangay Ginebra ang Meralco sa kabuuan ng laro.

“We have to play harder (in Game 5). We got beat very, very badly for the second game in the hustle stats,” sabi ni Meralco coach Norman Black na umaasa na mas magiging maganda ang depensa ng Bolts sa Game 5 at ibubuhos ng koponan ang buo nilang lakas para manatiling buhay sa kanilang title series.

Read more...