NAGLIPANA na naman ang mga bus na lumalagpas sa yellow lane ng Commonwealth Ave., Quezon City.
At madalas tumatawid sila sa lane na para sa pribadong sasakyan at motorsiklo para maunahan ang iba pang bus sa pagsasakay ng pasahero.
Kahit na maraming pasahero na ang nakatayo sa loob ay hindi pa rin nagpapapigil ang maraming driver sa pakikipag-unahan. Para bang may premyo kapag naka-overtake sila sa mga kakumpitensyang bus, minsan nga kahit na sa kasama nila sa kompanya.
Bukod sa mga kapwa bus, kalaban din ang tingin nila sa mga pampasaherong jeepney na kasama nila sa yellow o PUV lane.
At siyempre dahil ayaw din nilang maunahan sila, hindi na tumatabi nang maayos ang maraming bus sa pagbaba at pagsakay ng mga pasahero.
Sa bahagi ng Commonwealth Ave., sa may Luzon footbridge/overpass, maraming bus ang humihinto kahit nakatagilid pa para magbaba at magsakay ng pasahero.
Kapag pababa na ang pasahero, sisigaw ang konduktor ng “tingin sa kanan.” Kasi hindi nakaayos ang bus at baka mayroong lumusot na sasakyan sa outer lane. Ibig din sabihin ay wala ang bus sa outmost lane sa pagbaba ng pasahero.
Kung nakaayos ng parada ang bus—nakatuwid nang paayon sa kalsada at nasa outmost lane, wala ng ibang sasakyan na makalulusot sa kanan.
Isa sa programang naisip para maiwasan ang pag-uunahan ng mga bus ay ang pagbibigay ng regular na sahod sa mga driver.
Ang ideya ay bakit pa makikipag-unahan ganun din naman ang kita.
Ilang bus na nga ba ang nagpapasahod na sa kanilang mga driver?
Meron ding mga naging creative. Bukod sa suweldo, bibigyan ng incentive o porsyento kapag lumagpas sa quota ng kita ang driver at konduktor. Sino nga ba naman ang ayaw ng dagdag na kita?
Kaya ayun, meron pa ring mga driver na nakikipag-unahan sa iba kahit na may regular na suweldo na.
***
Nang gawin ang Metro Rail Transit 7 ay naging mabigat ang daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue. Syempre, nagtayo ng mga poste sa gitna o kaya naman ay naghukay kaya nabawasan ang lapad ng kalsada na magagamit ng mga motorista.
Kapag natapos na ang MRT7, mabawasan kaya ang bilang ng mga pribado at pampublikong sasakyan sa Commonwealth?
Kung maayos ang serbisyo at hindi nalalayo ang pamasahe, malamang maraming mag-MRT.
Teka, kailangan nga ba matatapos ang MRT7? Nag-groundbreaking ang proyekto noong panahon ni Pangulong Aquino. Ngayon ay 2020 na.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.