Pagpatay sa mga Pinay OFWs sa Kuwait dapat bigyang hustisya
HIGIT 200 Pinay OFWs na ang namatay sa Kuwait sa loob lamang ng apat na taon.
Karamihan ay dahil sa “natural causes”, pero dumarami rin ang mga misteryosong kamatayan o talagang sinaktan o pinatay ng kanilang employer.
Tulad ng kaso ni Joanna Demafelis na itinago sa isang freezer sa abandonadong apartment noong 2018 at nitong huli ay si Jenelyn Villavende na basag ang bungo, at napatay sa bugbog ng misis ng kanyang amo.
Yung kay Demafelis, nakulong ang mag-asawa niyang employer, pero itong kay Villavende ay arestado at inimbestigahan pa lamang ang kaso.
Pero ang nakakagalit ay itong bagong resulta ng autopsy ni Jenelyn, base sa ginawa ng Kuwaiti government.
Ayon kay Labor Secretary Bebot Bello, ang sabi ng mga mga Kuwaiti forensic doctors “physical injuries” ang dahilan ng kamatayan ni Jenelyn.
Tinawag ni Bello na palpak, sinungaling at walang kwenta ang naturang autopsy. Sinabi rin nito na “worthless” ang imbestigasyon na ginawa ng Kuwait.
“Wala na tayong ipadadala doon. Mga walang kuwenta ‘yang mga Kuwaiti na ‘yan. Biro mo ‘yong ginawa nila sa ating kababayan. ‘Pag ikuwento ko sa inyo, baka pati [kayo] magwewelga na. Masyado nilang inapi ang ating kababayan,” ayon pa kay Bello.
Ayon sa autopsy report ni NBI medical officer Dr. Ricardo Rodaje, posibleng ginahasa si Jenelyn bago ito pinatay.
Ayon din sa mga kaanak ng biktima, basag ang bungo ni Jenelyn nang makita nila. Pero, bakit “physical injuries” lang daw ayon sa two-sentence autopsy report ng Kuwaiti doctors?
Noong 2018 matapos mabulgar ang pagkakapatay kay Demafelis, napilitan silang makipagkasundo kay Pres. Duterte at Bello para proteksyunan ang ating mga OFWS.
Pero, sa press release lang daw at hindi sila pumirma sa mismong dokumento, ayon kay Bello.
Bakit daw nila bibigyan ng “special treatment” ang mga Pinay OFWs kaysa sa ibang bansa? Kundi ba naman, bastos talaga ang mga Kuwaiti!
Noon ay nag-“rescue” ng 26 na OFWs ang Department of Foreign affairs na naka-video. Aba’y nagalit ang Kuwaiti government na nagbigay pa ng dalawang protest notes.
Dahil sa pagpatay kay Villavende at ginawang pag-whitewash sa kanyang kaso, inihayag tuloy ni Secretary Bello, na walang kwenta ang mga “Kuwaiti” na ito at ako’y nakikiisa rito.
Tama rin ang “total ban” para hindi na madagdagan ang mga inaalipin nilang OFW doon. Dapat ding ipatawag ng Malakanyang ang Kuwaiti Ambassador dito para magpaliwanag.
Kung susuriin, umaabot pa sa 187,000 pang mga Pinay household workers ang naroroon sa Kuwait ngayon at kailangang mabigyang proteksyon.
Kung ganitong ayaw lumagda ng Kuwaiti government sa sinasabing 2018 agreement at pagkatapos ay lantaran pang babaguhin ang mga ebidensya sa kamatayan ni Jeanelyn, walang rekurso ang gobyerno kundi isarado na ang pinto at itigil na ang pagdami ng mga documented o undocumented nating mga OFWS sa bansang iyun.
Isipin niyo, higit 200 Pinay OFWS ang namatay sa Kuwait sa loob ng apat na taon.
Isang Pinay OFW ang namamatay sa bansang iyon kada linggo. Hindi bat sobrang garapal at lantaran iyan?
Talagang mapanganib na ang Kuwait para sa ating mga kababayang naghahanap ng magandang buhay.
Totoong mas marami pa rin ang mga mababait na Kuwaiti employer, pero paano matatamo ang hustisya sa bawat Pinay OFW lalo na kay Jenelyn Villavende kung mismong Kuwaiti government at mga opisyal nito ay sinungaling at walang kwentang kausap!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.