SUGATAN ang isang sundalo, kanyang misis at isa sa kanilang anak nang sumabog ang isang granada sa loob ng Camp Aguinaldo sa Quezon City Linggo ng umaga, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa isang pahayag, sinabi ni AFP spokesperson Brig. Gen. Edgard Arevalo na nangyari ang pagsabog ganap na alas-6:20 ng umaga sa isang apartment unit na inookupa ni Staff Sargeant Larry de Guzman sa loob ng military headquarters compound.
Nasugatan ang asawa at isa sa dalawang anak ng sundalo at ginagamot sa V. Luna Hospital, dagdag ni Arevalo.
Nagtamo naman ng mga galos ang sundalo.
“We are rendering the necessary assistance to the family,” dagdag ni Arevalo.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente matapos magtalo ang mag-asawa.
“Investigators from both the AFP and Philippine National Police-Scene of the Crime Operatives are doing a deeper investigation since there were indications that the wife could have triggered the explosion while the husband was about to leave their abode,” sabi pa ni Arevalo.