NITONG nakaraang linggo ay nakita natin ang ginawang pananakot, blackmail at pang-ha-harass ng motorcycle taxi company na Angkas sa Technical Working Group ng LTFRB na nag-aral kung papayagan ba nilang maging legal ang motorcycle taxi.
Nandyan ang mag-imbento sila ng akusasyon na si Senador Bong Go umano ang may-ari ng magiging kalaban nilang Joyrider PH. Nandoon din yung sinasabi nilang sinisikil daw sila ng TWG at mayroong pinapaboran na grupo. Nagpatawa pa sila na mawawalan daw ng trabaho ang may 17,000 riders ng Angkas kung ipapako sa 10,000 ang allowed na riders ng Angkas.
Sobrang daming black propaganda ang ginawa ng Angkas na naalala ko yung Grab at ang ginawa din nilang pangbabastos sa LTFRB noon. At nang pag-aralan natin ang nakaraan, nakita natin na pareho ang modus ng Angkas ngayon at ng Grab noon. Ito ay alisan ng kredibilidad ang LTFRB at siraan ang mga magiging kompetensiya nila para ma-monopolize nila ang negosyo.
Ang nakalimutan sabihin ng Angkas, sila ay hindi pa legal dahil experimento pa lamang sila. ”TRIAL RUN” nga ang tawag sa ibinigay sa Kanila ng anim na buwan at nagtapos noong December 23.
Nang maitakda ang pagtatapos ng phase one ng trial run, nagsagawa ng extension ang TWG at nagsama na sila ng iba pang players sa eksperimento para makita ang epekto nito sa public service ng motorcycle taxi. Dito pumasok ang MoveIt at Joyride PH.
Pero hindi pa din sila fully legal lahat dahil phase two pa lamang ito ng trial run ng TWG sa motorcycle taxi study. At dahil study, merong pilot areas o location, ang Metro Manila at Metro Cebu. Pero kita ninyo, tumira na ng ilegal na operation ang Angkas sa Cagayan de Oro na parang sila ang batas.
Nang sinilip ko ang ownership ng Joyride at MoveIt sa SEC, nakita ko na parehong fully Filipino owned ang mga ito at maayos ang kanilang papeles. Deklarado din ng tama ang kanilang rider base at facilities na gagamitin sa negosyo.
Kabaliktaran ito ng Angkas na 80% ay pag-aari ng dayuhan at ang deklaradong rider base ay mahigit dalawang libo lamang pero ang yabang noon ay may 27,000 riders sila. Wala pa silang maayos na training facility at nakikigamit lang sila sa isang motorcycle company.
Pilit pa nilang kinukumbinsi ang mga riders nila na mawawalan ng trabaho ang mga ito kung ipapako ang bilang ng riders ng Angkas sa 10,000. Hindi nila aminin na puwedeng lumipat sa ibang service provider ang mga riders nila na mas maganda an g benepisyo kaysa sa Angkas.
Taktika ng maduming negosyante ang ginagawa ng Angkas. Siraan ang pamahalaan, suwaying ang batas, magbintang ng insulto at imbento sa kalaban at ipilit na maging monopolya ang negosyo nila.
Yan ang eksaktong ginawa ng Grab noon. Siniraan ang LTFRB at lahat ng ibang players sa industriya kaya ngayon kung makasingil, kahit magkano na lang at ang talo? Siyempre ang commuter o pasahero.
Nabanggit ko din ba na ang impormasyon ko ay iisa ang foreign owners ng Angkas at Grab?
***
Para sa komento o suhestiyon, sumulat lamang sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com.
Ang yabang ng Angkas
READ NEXT
Qualified ba sa SSS benefits?
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...