Sarah malapit nang ikasal kay Matteo: Gusto ko asawa muna bago mabuntis!

MUKHANG may bahid ng katotohanan nga ang balitang ngayong taon na magaganap ang kasal nina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli.

Nagbiro kasi ang Popstar Royalty sa episode last Sunday ng ASAP Natin ‘To kaya nag-react ang kanyang fans na posibleng sa second quarter ng 2020 na magaganap ang church wedding nila ni Matteo.

Nakachikahan ni Sarah ang mga taong nag-viral sa social media dahil sa kanilang “Tala” dance challenge na na-invite ngang mag-perform para sa 25th anniversary ng ASAP. Ilang linggo nang trending ngayon ang “Tala” dance craze na una ngang pinasikat ni Sarah.

“Pinapanood ko lang po for exercise at after noon, nagku-contract na ako. Kinabukasan, nanganak na ako,” ang pahayag ng female guest nang usisain ng girlfriend ni Matteo kung paano niya natutunan ang “Tala” dance moves. Naging viral kasi ang video nito dahil kahit buntis ay todo hataw pa rin sa pagsasayaw.

Natatawang hirit naman ni Sarah sa sinabi ng kanyang kausap, “So, alam ko na ang gagawin ko kapag ako ang nagbuntis, pero asawa muna bago buntis. Kasal muna bago buntis.”

Unang kumalat ang balita na malapit nang magpakasal sina Sarah at Matteo nang mag-post ang Kapamilya actor sa kanyang Instagram account last Nov. 7, 2019 ng litrato nilang magdyowa na may caption na, “I love you my love, now and forever.” Makikita sa photo na suot ni Sarah ang ibinigay sa kanyang engagement ring ng binata.

Siyempre, nagpiyesta ang mga Popsters ni Sarah at na-excite sa pagpapakasal ng dalawa. Hiling nila kay Matteo na sana’y alagaan ang dalaga at huwag na huwag itong sasaktan at paiiyakin.

Marami ang nagsasabi na baka raw ilihim muna ng showbiz couple ang detalye sa kanilang wedding dahil mukhang ito ang nais mangyari ni Sarah. At saka na lang daw nila ito ibabandera sa publiko kapag tapos na tulad ng ginawa nila sa kanyang engagement.

Read more...