ILANG araw bago ang taunang traslacion ng Itim Na Nazareno, tiniyak ng mga opisyal ng Simbahan ng Quiapo, mga ahensiya ng gobyerno at lokal na pamahalaan ng Maynila na ginagawa na ang lahat ng paghahanda para matiyak ang kaligtasan ng mga lalahok sa selebrasyon ng Itim Na Nazareno sa Huwebes, Enero 9.
Sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Brig. General Debold Sinas na tinatayang 16,000 pulis ang inatasan para magbigay ng seguridad sa mga rutang daraanan ng traslacion mula Quirino Grandstand sa Luneta hanggang sa Simbahan ng Quiapo.
Bubuo ng “andas wall” na kinabibilangan ng mahigit 2,000 ng PNP para magbigay ng seguridad sa andas na siyang magdadala sa Itim Na Nazareno.
Idinagdag ni Sinas na isa sa mga rason kung bakit matagal matapos ang traslacion sa nakaraang mga taon ay ang mga debotong nakaharang sa ruta ng prusisyon.