Partial deployment ban ng mga OFW sa Kuwait ipinag-utos ni Bello

INIHAYAG ni Labor Secretary Silvestre Bello III na magpapatupad ang gobyerno ng partial ban sa pagpapadala ng Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Kuwait matapos ang panibagong kaso ng pagkasawi ng isang Pinay domestic helper sa kamay ng kanyang employer.

“We are considering a total deployment ban sa Kuwait. We are considering that but in the meantime na magde-decide kami kung total deployment ban ba, I will issue a directive today na magkakaroon ng partial deployment ban which means hindi po muna kami magde-deploy ng bago,” sabi ni Bello.

Idinagdag ni Bello na sakop ng ban ang mga OFW na unang beses pa lamang na pupunta sa Kuwait. Hindi naman sakop ng ban ang mga skilled at mga nagbabakasyong Pinay workers.

Sinabi ni Bello na inirekomenda mismo ni Labor Attaché Nassar Mustafa ang partial ban.

Ito’y matapos namang masawi ang OFW na si Jeanalyn Padernel Villavende sa kamay umano ng misis ng kanyang employer.

Tiniyak ni Bello na papanagutin din ang lokal na recruitment agency ni Villavende dahil sa kawalan ng aksyon matapos na ireklamo ang pagmamaltrato ng employer.

“Before this incident, may nakarating nang report na ‘yun nga hindi maganda ang treatment sa ating kababayan na si Jeanalyn so I’m holding responsible’ yung local agency dito,” dagdag ni Bello.

Nakipagkita na si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.kay Kuwaiti Ambassador to Manila Musaed Saleh Ahmad Althwaikh para iparating ang galit ng gobyerno sa nangyaring insidente.

Read more...