Trike sinuwag ng van: 5 magkakaanak patay

PINAGHAHANAP pa ng mga awtoridad ang driver ng van na nasangkot sa aksidenteng ikinasawi ng limang magkakaanak na sakay ng tricycle, sa Mulanay, Quezon, noong Bisperas ng Bagong Taon.

Nagsasagawa ng manhunt laban sa van driver na si Arnel Tesico, 44, residente ng bayan ng San Andres, ayon sa ulat ng Quezon provincial police.

Nananatiling at-large si Tesico habang isinusulat ang istoryang ito.

Ito’y matapos niyang takasan ang aksidenteng ikinasawi nina Benny Jay Reymundo, 33; Manny Reymundo; Cristy Bercero, 23; Crisjane Reymundo, 4; at Crisjay Reymundo, 1.

Naganap ang aksidente dakong alas-8:30 ng umaga, sa bahagi ng Bondoc Peninsula Highway na sakop ng Sitio Malaking Bato, Brgy. Sta. Rosa.

Minamaneho ni Benny Jay ang tricycle patungong Mulanay proper nang masalpok ng pampasaherong van (DAI-4691) na dala ni Tesico.

Lumabas sa imbestigasyon na inunahan ng van ang isa pang sasakyan, pero nawalan ng kontrol sa manibela si Tesico kaya nasalpok ang tricycle.

Dinala pa sa pagamutan ang mga sakay ng tricycle ngunit pawang mga idineklarang dead on arrival ng doktor.

Read more...