DALAWANG tulog na lang at Bagong Taon na.
At dahil diyan, may payo sa inyo ang Feng shui expert na si Master Hanz Cua sa mga nais na suwertehin ang 2020.
Sa pagsalubong sa bagong taon, sa sala (living room) maaari umanong papasukin ang suwerte sa bahay sa pamamagitan ng pagbubukas ng pinto, bintana at mga ilaw.
Kung mayroong sira ang pintuan, dapat na ayusin ito agad at pinturahan kung kinakailangan. Dapat ay lagyan din ito ng maliwanag na ilaw.
Ayon kay Master Hanz dapat ay maglagay ng welcome mat upang ma-welcome sa bahay ang opportunity energy.
Makakadagdag din ng suwerte ang pagsasaboy ng barya, bigas, o kiat-kiat papasok sa loob ng bahay. Ito ay sumisimbolo ng pagpasok ng kasaganahan.
Upang maitaboy ang malas, buksan ang radyo at telebisyon upang maging maingay.
Dapat din maglagay ng barya o pera sa bawat kanto ng bahay upang pumasok ang kita.
Magsuot din ang mga miyembro ng pamilya ng pula para maging masuwerte at palitan ng punda ang unan sa sala at maglagay ng bagong kurtina para sa new energy.
KUSINA
Sa kusina ay dapat bukas din ang ilaw, bintana at pintuan. Kailangan ay maging maliwanag ito upang pumasok ang suwerte.
Dapat din linisin ang mga lutuan para sa magandang kalusugan at itapon na ang mga basag o may bungi na plato at baso. Maganda rin kung ‘fire color’ ang kusina para sa good health.
Sa pagsalubong sa bagong taon ay dapat puno ang bigasan, water dispenser, refrigerator, lalagyan ng asin at asukal, at LPG upang maging masagana.
Maaari ring mag-ingay gamit ang kaldero para maitaboy ang malas at magsaboy ng barya sa kusina.
KUWARTO
Magpalit ng punda, bed sheet at bumili ng bagong unan kung kinakailangan para pumasok ang bagong enerhiya.
Dapat ay bagong laba rin ang kurtinang ikakabit.
Upang maalis o mabawasan ang negative energy, maaaring maglagay ng asin sa bedside table.
Para maalis ang malas dapat ay maglinis at alisin ang mga kalat. Maaari ring magsindi ng insenso.