#Babu: Controversial sexy star hindi kinaya ang kawirduhan ng dyowang aktor

ILANG impormanteng malapit sa pamilya ng isang kontrobersiyal na female personality ang nagkukuwento na talagang hiwalay na ito at ang kanyang ka-live-in na male personality.

Matagal na panahon din silang nagsama, isinakripisyo pa nga ng aktor ang kinaiinggitan niyang career, pero nagkatotoo rin sa kanilang relasyon ang kasabihang walang forever.

Kuwento ng isang source mula sa grupong kilalang-kilala ang pamilya ng sexy actress, “Mula sa pagkabata, inom lang naman kasi talaga ang bisyo ng girl, naging problem child nga siya nu’n dahil teenager pa lang siya, e, mahilig na siyang makipag-inuman.

“Pero hanggang inom lang siya, wala siyang ibang bisyo, talagang parang imbudo ang bituka niya, hindi siya nalalasing kahit gaano pa karami ang naiinom niya!

“Ibang klase siya pagdating sa alak. Lahat na yata ng brand, e, na-try na niya, pero para lang siyang nagkukukot ng butong-pakwan sa pakikipag-inuman dahil walang nakatatalo sa kanya.

“Pero hanggang du’n lang talaga siya, hindi siya nagbibisyo ng iba, mamam lang talaga ang minaster niya,” madiing chika ng aming impormante.

Bisyo ang paulit-ulit na idinidiin ng nasabing source. Hanggang alak lang daw ang bisyo ng female personality. Wala nang iba pa.

Sabi naman ng isa pang source na kasama ng naunang impormante, “Hindi na siguro niya kinaya ang kakaibang ugali ng karelasyon niya. Weirdo ‘yun!

“Nandiyan lang siya ngayon, kagigising pa lang, pero maya-maya, e, wala na pala siya! Sumakay na pala ng eroplano, wala man lang siyang pinagpaalaman kung saan siya pupunta!

“Natural, anong klase nga namang relasyon ang ganu’n? Ni hindi alam ng girl kung nasaan ang partner niya? Kung aso nga namang nawawala, e, hinahanap, ang tao pa kaya?

“‘Yung pagiging weird nu’ng guy ang reason kung bakit nanawa sa kanya ang girl. ‘Yun pa ba naman ang tatakutin niya, e, napakatapang ng babaeng ‘yun?

“Ayaw na niya ng problema, ayaw na niya ng stress, kaya ayun! Siya na mismo ang tumapos sa relasyon nila! D’yan ka na sa buhay mo, dito naman ako, tapos!” nakataas ang kilay na kuwento ng aming impormante.

Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, mauupo pa kaya kayo ngayon sa Row 4 na katabi ang mabahong basurahan?

Read more...