Young actress matindi ang topak; mahirap pakisamahan

PINAGTRIPAN na naman sa isang malaking umpukan ang isang kilala na ring young actress na mayhawak na kuno ng trono ngayon sa pagiging Simang (read: palasimangot).

Ayon sa mga miron ay parang pasan niya ang daigdig, bihirang-bihira siyang ngumiti, pero kapag nasa happy mood naman siya ay parang komedyante siya na ayaw magpapigil sa kadyo-joke.

Kuwento ng isang source, “Nakakaloka ang babaeng ‘yun, talagang baltikin siya! May mood swing! Mahirap ispilengin ang ugali niya!

“May matinding pinagdaanan siguro ang girl na ‘yun kaya ganyan ang ugali niya. Nu’ng maliit kaya siya, e, itinali siya sa langgaman ng tatay niya dahil sa kakulitan?” natatawang unang chika ng aming impormante.

Kapag dumarating siya sa set ng programang pinagbibidahan niya dati ay palagi lang siyang nakayuko kapag nakakasalubong ng kanyang mga katrabaho.

“Kapag wala siya sa mood, e, ganu’n siya, walang kinakausap, ni walang kinikibo, basta tuloy-tuloy lang siyang naglalakad. Parang deadma siya sa mundo!

“Agad namang sisenyas ang kanyang alalay, kulang na kulang daw kasi sa tulog at pahinga ang young actress, kaya ganu’n!

“Ang nakakaloka lang, kahit sagana naman siya sa pahinga at sleep, e, ganu’n pa rin ang drama niya! Inaantok pa rin siya, pagod na pagod, kaya hindi siya nakikipag-usap kahit kanino!

“Kabisado na ng mga katrabaho niya ang girl, kung ayaw niyang magsalita, e, di bahala siya sa buhay niya! Kaninong laway nga ba naman kasi ang mapapanis sa kaayawan niyang makipag-usap?

“Pero kapag nasa hulog naman siya, e, mas naloloka ang mga kasamahan niya sa work dahil parang gusto niyang magtrabaho sa comedy bar sa pagpapatawa!

“Kahit wala namang katawa-tawang nangyayari sa paligid, e, wala siyang ginawa kundi ang humagalpak! Walang makapigil sa kanya, tawa lang siya nang tawa!” kuwento pa rin ng aming source.

Walang tumatagal na alalay sa young actress na ito, hindi kasi masakyan ang kanyang ugali, topakin ang tawag sa kanya ng mga kasamahan niya.

Pagtatapos ng aming source, “Nakakapanghinayang ang girl na ‘yun, ang ganda-ganda pa naman niya, para siyang doll!”
Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, may paborito rin ba kayong doll?

Read more...