NASAWI ang isang pulis sa Leyte, samantalang halos 20,000 katao ang inilikas matapos na bayuhin ng bagyong Ursula ang mga bahagi ng Visayas at Southern Luzon sa mismong pagdiriwang ng Pasko ngayong Martes at Miyerkules.
Nakuryente ang pulis habang nagsasagawa ng rescue operation sa ilang binahang lugar sa bayan ng Abuyog, Martes ng gabi, ayon sa isang staff ng Leyte Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office.
Tinatayang 15 bayan, kasama ang Palo, La Paz, Abuyog, Dulag, Babatngon, Baruro, San Isidro, Isabel, Carigara, Pastrana, Baybay, at Jaro, gayundin ang Ormoc City, ang apektado ng baha.
Sa 42 bayan ng probinsya, 20 hanggang 25 ang napaulat na inilikas.
Tinayang 4,115 katao ang inilikas sa Eastern Visayas, kasama ang Leyte, ayon sa ulat mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Iniulat naman ng mga regional branch ng Office of Civil Defense, na umabot sa 11,660 katao sa Bicol, ang inilikas, na sinundan ng 2,519 sa Western Visayas, at 1,565 sa MIMAROPA.
Iniulat ng OCD Western Visayas na 23 pasahero na sakay ng Ceres passenger bus ang nasugatan matapos ang aksidente sa Bago City, Negros Occidental.
Inaalam pa ng mga otoridad ang sanhi ng aksidente.
Samantala, iniulat ng Coast Guard na umabot sa 25,000 pasahero ang stranded sa iba’t ibang bahagi ng Bicol, Visayas, Southern Tagalog, at Northern Mindanao sa mismong bisperas at araw ng Pasko.