NAIS ng isang lady solon na irebisa ang polisiya sa paggawa at pagbebenta ng lambanog matapos na masawi at maospital ang ilang katao dahil sa pag-inom nito.
Ayon kay Laguna Rep. Sol Aragones hindi makatwiran na mayroong namamatay sa pagsasaya.
“Maghahain tayo ng resolusyon sa Kongreso na kung maaari ay ma-review ang existing na batas na may kinalaman sa anumang produktong itinitinda at repasuhin din kung kinakailangan ang ating mga equipment sa pag-test ng anumang produkto para matiyak ang kalidad ng produkto bago ito ilabas,” ani Aragones.
Pansamantalang ipinagbawal ang pagbebenta ng lambanog sa Laguna.
Umabot na sa 14 ang nasawi sa pag-inom ng lambanog sa Calabarzon, siyam sa bayan ng Rizal sa Laguna, dalawa sa Nagcarlan, Laguna at tatlo sa Candelaria, Quezon.
Daan-daan na umano ang pumunta sa ospital mula noong nakaraang linggo dahil sa paniniwala na nalason din sila ng lambanog.