Lagot kayo kay Darna: Bilang na ang araw ng mga pirata kay Angel

MGA pirata…lagot kayo kay Darna!

Mukhang bilang na nga ang araw ng mga namimirata ng pelikula sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil makakalaban na nila ang itinuturing na tunay na superhero sa Pilipinas, ang Kapamilya actress na si Angel Locsin.

Nitong weekend, pormal nang ipinakilala si Angel bilang bagong celebrity ambassador ng Optical Media Board (OMB) na tutulong para labanan ang piracy sa bansa.

Kasama si OMB Chairperson Anselmo Adriano, pumirma ang aktres ng Memorandum Of Agreement para tumulong sa kampanya ng OMB kontra pamimirata, ang “Stop Piracy #NgayonNa.”

“Noong sinabi po sa akin ang tungkol sa project ‘to, hindi po talaga ako nagdalawang-isip kasi ang industriyang ito ang bumubuhay sa ating lahat at lahat po tayo ay nakikinabang dito,” pahayag ni Angel pagkatapos ng MOA signing.

Dugtong pa ng future wife ng producer na si Neil Arce, “At para po sa akin, sapat lang po na gawin ko ang aking obligasyon para tulungan ko ang industriyang to, ang industriyang bumubuhay sa pamilya ko at sa pamilya niyo rin po.”

Naniniwala si Angel na talamak pa rin ang pamimirata sa bansa na isa sa mga dahilan kung bakit patuloy na bumabagsak ang kita ng mga Pinoy movies.

“Maraming beses, simula nang pumasok ako sa industriya talagang talamak na ang pirata, marami na akong nakita na producers ang umiiyak at nararamdaman ko na paliit nang paliit na ang movie industry,” pahayag ni Angel.

Dugtong pa niya, “Kung gagawin natin ang part natin baka lumago pa ang movie industry ng Pilipinas.”

Pero naniniwala ang award-winning actress na hindi kakayanin ng OMB mag-isa ang paglaban sa piracy kaya nanawagan siya sa madlang pipol na makipagtulungan sa ahensiya at isumbong agad ang mga taong involved sa pamimirata.

“Sana po magtulungan po tayo, na maipahatid sa publiko na tigilan na po ang pamimirata, dahil marami po ang nadadamay, mula sa mga nagta-trabaho sa likod at harap ng camera,” pakiusap ni Angel.

 

Read more...