Kasalanan nating lahat ang trapik

SOBRANG daming reklamo ang nasasagap ko ngayon sa social media tungkol sa malalang kondisyon ng trapiko sa bansa.

At hindi lang ito sa Metro Manila kundi pati na rin sa mga ibang siyudad tulad ng Cebu, Davao, Baguio, Cabanatuan, Iloilo at iba pang parte ng bansa.

Madalas na tanong sa akin ay kung may solusyon pa ba ang trapikong ito o talagang magdurusa na lamang tayo sa sobrang gulo at higpit ng daloy ng mga sasakyan sa lansangan.

Sa ganang akin lang naman ay kung may problema ay laging may solusyon. Hindi nagbibigay ang Panginoon ng mga suliranin na hindi natin kayang sagutin o solusyunan.  Kailangan lang nating hanapin ito. Pero sa kaso ng masikip na trapiko, nasa harap na natin ang solusyon.

Ang kaso, masyado lang talagang mahirap gawin kaya walang nangyayari. At alam ba ninyo kung anong solusyon: Sarili natin.  Ang tawag dito ay disiplina at pagsunod sa batas trapiko.

Tayong mga drayber ang kabuhayan, mga nagmamaneho ng taxi, jeep, bus, tricycle at traysikad, tayo ang tunay na ugat ng problema. Sa sobrang kamamadali natin na makakuha ng pasahero, nilalabag natin ang tamang paraan ng pagmamaneho basta makauna lang tayo.

At tayo ring mga pasahero o commuter ay may sala rin. Hindi tayo pumila at maghintay sa tamang lugar kaya kung saan-saan tayo sumasakay at bumababa, talagang gustong-gustong nakikipag-unahan sa sakayan. Ayaw pumila, kakatiting na distansiya ay ayaw lakarin at sasakay pa ng jeep o kaya naman ay tricycle. Ang ilan gusto pa door to door yata ang paghatid sa kanila sa bahay o opisina.

Tayo ring mga pribadong motorista may kasalanan din dahil ayaw natin sumunod sa batas trapiko, laging lumulusot sa coding, bumibili ng dagdag na sasakyan kahit bulok na second hand maikutan lang ang coding, at hindi marunong magbigay sa mga kapwa motorista.

Hindi rin lusot tayong mga traffic enforcer na imbes na ayusin ang trapiko ay mag-iipon sa kanto at maghuhuntahan, o kaya ay mag-aabang ng mabibiktima, o kaya ay kakaway-kaway sa mga dumadaang sasakyan kahit alam nilang wala namang silbi ang kanilang ginagawa.

E, tayo rin mga mayor at konsehal, damay na rin mga barangay officials na patuloy na pinababayaan na gawing parking lot, opisina, punerarya, vulcanizing, tindahan, at kung ano ano pa ang mga lansangan at sidewalk imbes na ayusin para sa pedestrian ang sidewalk at sasakyan ang lansangan.

Tayo po ang may kasalanan kung bakit magulo ang trapiko natin at naiipit po tayo ng ilang oras sa lansangan.

Dahil kung gagawin lang natin ang dapat nating gawin, sumunod sa batas trapiko, linisin ang lansangan, maglakad kung malapit lang, siguradong luluwag ang lansangan para sa mga behikulo at tao.

***

Para sa reaksiyon o suhestiyon sumulat sa irie.panganiban@gmail.com o sa inquirerbandera2016@gmail.com o kaya ay mag-text sa 09989558253.

Read more...