Department of OFW ‍ talagang kailangan pa ba?‍ | Bandera

Department of OFW ‍ talagang kailangan pa ba?‍

Susan K - December 20, 2019 - 12:16 AM
KAPAG may bagong administrasyon sa Pilipinas, palaging nababanggit ang kalagayan ng ating mga OFW. Na sana hindi na ‘anya aalis ang isang Pilipino para magtrabaho sa ibayong dagat. Na magbabyahe lamang ‘anya sila dahil gusto nila iyon at hindi dahil sa pangangailangan.

Sa loob ng 22 mga taon na paglilingkod ng Bantay OCW, palagi din nating naririnig ang mga pahayag na yan. Posible nga ba ito?

Isang nagbabalik OFW ang nagtatanong kung bakit kailangan pa ‘anyang lumikha ng isang OFW Department? Ayon kay Doms Miramonte Arafiles, 12 taong nagtrabaho sa Taiwan, sinabi niyang kung nais naman pala ng gobyerno na mahinto na ang pagpapadala o pagpapalabas ng OFW, bakit kailangan pa ang OFW department?

Dagdag pa niya, paano pauuwiin o kaya’y hindi na magpapaalis ng OFW kung mayroon naman palang OFW Department na nilalayon ngang mas mapabilis at mapadali ang pagpo-proseso ng mga dokumento ng ating mga kabayan. Sabi tuloy ni Doms, “tila yata kontra ito sa kanilang mga adhikain dahil mposibleng matigil ang pagpapaalis sa ating mga kababayan, lalo pa’t mayroon naman pala silang sariling departamento.

Sa milyun-milyong Pilipino na nasa abroad, kaya nga ba silang pauwiin o pabalikin na lamang ng ganoon ka simple?

Talagang malabo yata yan! Napakarami kasing dapat isaalang-alang sa usapin ng pagpapahinto, pagpapauwi at tuwiran nang hindi pagpapadala ng mga manggagawa sa abroad.

Siempre ang unang tanong diyan, anong trabaho ang aabutan nila sa Pilipinas? Kung mayroon man, magkano ang suweldo? Alam naman nating triple o makasampung beses ang higit sa kaparehong trabaho dito sa Pilipinas kung ikukumpara sa abroad.

Ang totoo pa nga, kahit nga nasa naggigiyerang mga bansa naroroon ang ating mga OFW, pahirapan pa rin ang pag-papauwi sa kanila, o di kaya’y matinding pakiusapan pa nga ang ginagawa ng pamahalaan maging sa mga kapamilya dito sa Pilipinas na sila na ang humikayat sa kamag-anak na OFW na bumalik na ng bansa mula sa delikadong bansa na kanilang pinagtatrabahuhan.

Dumating na nga sa puntong nag-iisyu na ng waiver ang ating mga OFW na ayaw talaga nilang umuwi at wala ‘anyang pananagutan ang pamahalaan anuman ang mangyari sa kanila doon, dahil personal ‘anya nilang desisyon ang manatili na lamang sa bansang pinagtatrabahuhan kahit may giyera o matinding kaguluhan doon.

Nasabi tuloy ni Myra, OFW sa Macau, na kung ganyan ang realidad, ituloy na ang pagtatayo ng OFW Department at kahit man ‘anya siya, ayaw din niyang umuwi ng Pilipinas, dahil sa kakarampot na suweldo sa bansa. Mananatili siyang mag-aabroad hanggang may lakas pa ‘anya siya dahil sa maraming umaasa sa kaniya dito sa Pilipinas.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM (M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: [email protected]/ [email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending