Osang: Paano ako mai-stress, ang TF ko ng 1 araw sweldo ng iba ng 3 buwan
KUNG kailan malapit na ang Pasko na taun-taong ipinagdiriwang ng pamilyang Pinoy ay saka pa namaalam ang ilang kaibigan at kasamahan sa industriya.
Ang iba sa kanila ay pumanaw dahil sa iba’t ibang uri ng sakit at ‘yung iba naman ay dahil sa depresyon dahil sa stress sa maraming bagay.
Palaging namang inaanunsyo o ipinapaalala ng mga eksperto na kapag nakakaramdam ng depresyon ay makipag-usap sa pamilya, mga kaibigan o sa mga taong puwedeng magbigay ng payo para sa mga hinaing ng nakararamdam nito.
Karamihan kasi sa mga taong nade-depress o inaatake ng kalungkutan ay mga walang regular na trabaho, hindi nakikita ang pamilya, nasawi sa pag-ibig at iba pang factors.
Pero may mga tao pa rin na kahit nasa kanila na ang lahat, may regular na pinagkukunan ng ikabubuhay ay nai-stress at nade-depress pa rin.
May mga kakilala kaming celebrities na kahit sunud-sunod ang dating ng dagok sa buhay ay nananatili pa ring matatag at lumalaban.
Isa na nga riyan ang dating sexy actress na si Rosanna Roces na minsa’y dumaan na rin sa matitinding pagsubok pero nilabanan niya at napagtagumpayan. At ngayon nga ay nakabalik na siya sa showbiz at nagsunud-sunod pa ang projects sa ABS-CBN.
Tanong namin kay Osang, nakakaramdam ka pa ba siya ng depresyon o stress ngayon?
“Hindi na ako masyadong nai-stress Reggee, masaya ako kapag nasa work at talagang inspired ako laging magtrabaho,” sagot niya sa amin.
Dagdag pa ng award-winning actress, “Ganito kasi ‘yan, paano ako mai-stress, ang suweldo ko ng isang araw, suweldo ng ibang tao ng three or four months. Nasa aircon ako, pinapakain ako, binibihisan, pinapaganda.
“Bonus na lang lagi sa akin ang magandang pakisama ng mga tao sa set kaya nagiging pamilya sila sa tingin ko. Masaya ang atmosphere sa taping, nasa tao naman kung paano mo itatrato ang trabaho,” aniya pa.
Ito naman ang sagot niya sa mga taong malalaki na nga ang kinikita ay stress at depress pa rin, “E, kasi hindi sila nagpapahinga kapag oras ng pahinga.
“Gumigimik, umiinom, nagpupuyat. Kapag oras ng work na, ngarag na sila, pangit ang mood. Sila ang nagki-create ng stress sa buhay nila. Naranasan ko na lahat kasi ang mga ‘yan, alam mo ‘yan,” pahayag pa ng aktres.
Oo nga, hindi lahat ng successful, sikat, tinitilian, maraming trabaho ay masaya sa buhay, paano pa kaya ‘yung mga walang-wala talaga?
Maswerte lang talaga si Osang dahil kahit nawala siya nang matagal sa showbiz ay marami pa rin ang nagtitiwala sa kanya dahil talaga namang magaling siyang aktres at tunay namang nagbago na ang working attitude niya dahil nag-mature na rin ang pananaw sa buhay.
At dapat talaga matibay ang pundasyon ng pamilya para magsilbing inspirasyon at gabay sa lahat ng ginagawa ng mga taong nakararamdam ng stress at depresyon.
Samantala nasa season 2 na ang seryeng Pamilya Ko kung saan isa sa mga cast members si Osang. Talagang inaabangan ngayon ng manonood ang mga confrontation scenes nila nina Sylvia Sanchez, Irma Adlawan at Joey Marquez.
Tinututukan din ng viewers ang madadramang eksena nina Ibyang, JM de Guzman at iba pang gumaganap na anak ng aktres sa serye. Lagi rin itong trending sa social media bukod sa napakataas na rating nito.
Balitang aabutin pa ng Marso, 2020 ang Pamilya Ko at posibleng ma-extend pa, kaya ang saya ng buong cast at production dahil bukod sa magaganda ang feedback at reviews ay nangunguna pa sila sa ratings game both sa Kantar at AGB Nielsen survey.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.