APAT na beses naming napanood ang hit Korean movie na “Miracle In Cell No. 7” at ilang beses din namin itong iniyakan dahil sa mga tagos sa pusong eksena nina Ryu Seung-ryong, Kal So-won at Park Shin-hye.
Nabigyan kami ng chance na mapanood ang Pinoy version nito sa ginanap na premiere night sa SM Megamall Cinema 1 kamakalawa na dinaluhan ng halos lahat ng cast members sa pangunguna ng award-winning actor na si Aga Muhlach.
Present din sina Xia Vigor, Bela Padilla, Joel Torre, John Arcilla, Jojit Lorenzo, Mon Confiado, Soliman Cruz, at JC Santos kasama ang kanilang direktor na si Nuel Naval. Dumalo rin sa premiere night ng “Miracle In Cell No. 7” ng Viva Films ang Korean director ng original movie na si Lee Hwan Kyung.
Sa totoo lang hindi kami masyadong nag-expect sa “Miracle In Cell No. 7” nina Aga, Xia at Bela na isa sa mga official entry sa darating na 2019 MMFF, dahil sa experience namin, bibihira ang remake na kayang tapatan o lagpasan ang original.
Pero dito sa pelikula ni Aga in fairness, lumebel din ang ganda at kalidad sa Korean version dahil sa ipinakitang akting ng lahat ng artista. Tama ang sinabi ni Aga, hindi lang siya ang magdadala ng movie because it’s a collaboration project na punumpuno ng puso.
Wala kang itatapon sa bawat members ng cast dahil halos lahat ng kanilang eksena ay talagang pinapalakpakan ng manonood. At tulad ng Korean version nito, hindi rin ito masasabing over the top drama movie dahil hahagalpak ka rin sa ilang bahagi ng pelikula, lalo na sa mga agaw-eksenang hiritan nina JC, Mon, Jojit, Soliman at Joel habang nasa loob sila ng kulungan kasama si Aga.
Siguradong alam na ng lahat ng nakapanood ng original “MICN7” ang kuwento nito at kung ano ang role ni Aga rito (isang mentally-challenged na tatay ni Xia na nasentensiyahan ng kamatayan dahil sa naakusahang nanggahasa at pumatay sa isang bata). Pero kung paano ang ginawang atake ng produksyon sa Pinoy version ang kailangan n’yong panoorin.
Sa isang interview kay Aga inamin niyang nahirapan siyang gampanan ang karakter ni Joselito pero sa napanood namin, hindi nagkamali ang Viva na siya ang kunin para bumida sa pelikula. Agree kami sa komento ng halos lahat ng nanood sa premiere night na kasado na ang Best Actor award para sa kanya sa MMFF 2019 Gabi ng Parangal.
E, bakit hindi? Halos lahat ng nasa sinehan ay nag-iiyakan lalo na sa bandang ending kung saan nag-breakdown na si Aga dahil alam niyang hindi na niya makakasama habangbuhay ang kanyang anak.
At kung hindi pa ito sapat, may pahabol pang pasabog na akting si Bela sa last part na siguradong iiyakan din ng mga anak, lalo na yung mga nakaka-miss sa kanilang magulang. Hindi na kami magugulat kung maiuwi rin ng aktres ang Best Supporting trophy sa awards night, pati na rin ang napakahusay na child star na si Xia.
Pang-best supporting actor din ang ganap dito nina John Arcilla at JC Santos na palaging agaw-eksena sa kanilang mga dialogue. Kung ilang beses kaming napaiyak ni John bilang opisyal ng PNP na tumulong kay Aga sa kuwento, grabe naman ang tawanan kapag umeeksena na si JC! Ibang-iba siya rito, promise!
Parehong kuwento, parehong tema, pareho ng mga karakter – pero ibang-iba pa rin ang atakeng Pinoy na ginamit sa “Miracle in Cell No. 7” na siguradong magpapaluha, magpapatawa at magpapasabog ng inspirasyon sa Pasko.
No wonder, binigyan ito ng Grade A ng Cinema Evaluation Board at Rated G naman sa MTRCB. Showing na ito sa Dec. 25 sa mga sinehan nationwide.