Coco, Robin, Bong, Lito, Pacquiao gagawa ng action movie na mala-Expendables

WISH ni Sen. Lito Lapid na makagawa ng isang bonggang action movie kung saan magsasama-sama ang mga sikat at local action stars.

Ayon sa senador, matagal na niyang pangarap na magkaroon ng pelikula na pwedeng ipagmalaki ng mga Pinoy sa buong mundo at maaaring lumebel sa mga Hollywood action flicks, tulad ng “The Expendables”.
Ito’y pinagbidahan ng mga kilalang action stars tulad nina Sylvester Stallone, Arnold Schwarzenegger, Jason Statham, Jet Li at marami pang iba.

“Kinausap ko na si Manny Pacquiao, Bong Revilla, Senate President Tito Sotto, ako, gagawa kami ng parang The Expendables, magsasama-sama kami para sa isang malaking proyekto,” ang chika ni Sen. Lapid na kilala pa rin ngayon bilang si “Pinuno”, ang karakter niya noon sa seryeng Ang Probinsyano.

Dagdag pa ng senador, “Mag-guest kami ng tatlu-tatlong araw lang. Kung 10 kaming bida—Robin Padilla, Coco Martin, lahat—30 days din iyon. Mahaba-habang pelikula iyon.”

“‘Tapos, sabi ko, ‘Wala tayong bayad.’ Gusto nga ni Manny Pacquiao, siya na lang ang mag-produce. Siguro, maganda.

“Tapos, sabi ko, ‘Lahat ng kita, ibigay sa showbiz, kung ano ang pangangailangan.’ Kasi, doon lang makakaipon ng pondo, e,” pahayag pa ng veteran actor.

Aniya pa, hihingi sila ng suggestions kung saan-saan pwedeng ilaan o i-donate ang kikitain ng pelikula pero aniya mas mabuti kung mabibiyayaan ang maliliit na trabahador sa likod ng mga camera.

Sino ang naiisip niyang magdirek ng naiisip niyang project? “Kung ako ang tatanungin, gusto ko, si Coco.

“Nagbubuo rin kasi siya ng istorya. Ewan ko kung paano iyon. Sabi ko, ‘Ikaw na lang ang magdirek.’

“Pero sabi niya, ‘Mahihirapan ako dahil kapwa artista natin ‘yan.’ Sabi ko, ‘Mamili tayo ng direktor na iba.’ Saka kung sino ang magandang mag-submit ng project, ng istorya, tingnan natin,'” sabi pa ng senador.

Dugtong pa niya, “Ibabalik natin lahat iyan. Kailangan lang, wala nang selosan. Basta trabaho lang.”

Nakausap ng entertainment media si Sen. Lapid sa handog niyang thanksgiving lunch kamakailan. Dito ibinalita rin niya na may special participation uli siya sa MMFF 2019 entry ni Coco na “3Pol Trobol: Huli Ka Balbon” bilang fight director.

* * *

 

Read more...