GAME si Bossing Vic Sotto na makasama sa susunod niyang entry sa Metro Manila Film Festival ang Unkabogable Star na si Vice Ganda.
Sa presscon ng 2019 MMFF entry ni Bossing na “Mission Unstapabol: The Don Identity” kamakalawa ng gabi, natanong kung posible bang sila naman ang magtambal ni Vice sa pelikula.
“Bakit hindi? Wala namang imposible,” mabilis na sagot ng TV host-comedian.
Nauna nang nagsama sa 2018 MMFF entry na “Jack Em Popoy: The Puliscredibles” sina Vic at Coco with Maine Mendoza kaya ang inaabangan naman ng publiko ay ang collaboration nina Bossing at Vice.
“Ako naman I would like to believe na kaibigan ko lahat, wala akong kaaway e’, ayokong may kaaway e, siguro kasabay sa pelikula pero it’s not necessary na kaaway ko na ‘yun,” lahad ng Eat Bulaga host.
Kailan naman kaya ito posibleng mangyari? “I don’t know, we will cross the bridge when we get there. Open ako sa lahat, basta sa ikagaganda ng takbo ng Pelikulang Pilipino e open ako,” tugon ng mister ni Pauleen Luna.
Samantala, tinawag ni Bossing na “panata” ang patuloy na pagsali niya sa filmfest na talagang hinahanap-hanap na ng kanyang sistema.
“’Yung MMFF parang kulang ‘yung Pasko kapag wala akong pelikula. Siguro nasa kultura ko na, nasa dugo ko na ‘yun, e.
“Sabi nga ni Jose panata na raw. Ang importante lang we see to it na ‘yung theme na we come-up with is something different always, something new,” aniya pa.
Showing na ang “Mission Unstapabol: The Don Identity” sa Dec. 25 sa direksyon ni Mike Tuviera. Bukod kay Maine, kasama rin sa pelikula sina Jose Manalo, Wally Bayola, Pokwang at Jake Cuenca.