Opisyal nang babalik sa K-pop scene ang sikat na Korean girl group na Momoland dahil bukod sa isang bagong album na lalabas ngayong buwan, papasayahin din nila ang kanilang Pinoy fans dahil mapapanood ang K-pop stars sa iba’t ibang Kapamilya shows.
Unang sumabak sa pagpe-perform ang sikat na Korean girl group sa ABS-CBN Christmas special na ginanap sa Araneta Coliseum last Tuesday. Ito ang unang pagkakataong magtatanghal ang isang K-pop group sa inaabangang taunang pagtitipon ng Kapamilya stars. Sa Enero 2020 naman, lilibot ang Momoland sa Gandang Gabi Vice, TWBA at sa MYX.
Samantala, inanunsyo naman ng Momoland noong nakaraang buwan na magiging anim na lang ang aktibong miyembro nito mula sa orihinal na siyam. Mula nang inilunsad sila bilang grupo noong 2016, nakapag-release ang Momoland ng hit songs na “Bboom Bboom,” “BAAM,” “I’m So Hot,” at “Banana Chacha.” Kilala rin silang top K-POP girl group na sumikat sa ibang mga bansa sa labas ng South Korea, kabilang na ang Pilipinas.