Coco nagpakita ng pwet sa 3pol Trobol

COCO MARTIN AT VICE GANDA

“HONESTLY, wala kasi akong isyu kung sino ang mag-number one o number two!” Ito ang sagot ni Coco Martin sa pahayag ni Vice Ganda na tanggap na ng Teleserye King ang pagiging “1st runner-up” ng “3pol Trobol: Huli ka Balbon” sa “The Mall, The Merrier” sa 2019 Metro Manila Film Festival.

“Iisipin mo pa ba ‘yun sa dami ng (iniisip ko). Basta excited ako ngayon. Kung alam mong maganda ‘yung produkto mo, excited kang i-announce sa mga tao at confident, di ba?” dugtong ng aktor.

Nabanggit din ni Coco na, “Sige na, kayo na, mauna na kayo basta alam ko pagkatapos ng filmfest, proud ako sa ginawa ko lalung-lalo na ako ang nagdirek saka ako ang nagsulat tapos ako nag-produce, at alam kong hindi ako napahiya sa co-actors ko kasi artista rin ako, alam ko kung pangit ‘yung pelikulang ginawa ko, ang lungkot tapos hindi ka na nila gustong makatrabaho. E, eto proud ako at confident ako.”

Ipinagmamalaki rin ng mga kasamahan niya sa “3POL Trobol” mula sa CCM Film Productions na maganda ang entry nila at talagang maaaliw at matatawa ang manonood. Makakasama niya rito sina Jennylyn Mercado, Ai Ai delas Alas at Sam Milby.

Ibinalik ni Coco sa pelikula ang karakter na Paloma na isa sa dahilan kung bakit tumaas nang husto ang rating ng FPJ’s Ang Probinsyano. At dahil iba’t ibang itsura ni Paloma sa pelikula kaya inamin ni Coco na may sarili siyang glam team na first time niyang ginawa kaya hirap na hirap siya.

“Gusto ko kasi ibang Paloma ang mapapanood dito kasi nga nagawa ko na sa Probinsyano kaya sasagarin ko na. Ito na ang pinakamahirap na pelikulang ginawa ko, in terms of being an actor kasi ang hirap magbihis-babae, lahat ng looks ko iniba-iba, mula sa damit, sa buhok, sa kuko, lahat-lahat.

Ako rin ‘yung pinakamaaga sa set kasi one and a half hour akong mine-make-apan, tapos may inilalagay sa akin para maging seksi. Ang dami palang palaman ditong mga basahan (sabay turo sa dibdib), lahat ng pawis ko, hinigop ng basahan, nagkasugat-sugat ang katawan ko,” kuwento ng aktor.

Bakit nga ba si Paloma ang napili niyang karakter sa pelikula? “Nu’ng i-pitch ko kasi kay Jennylyn ang concept sabi ko, ‘Jen madali lang ‘yan, may eksena tayo magsu-swimming tayo, naka-swimsuit ka, tapos ako rin naka-swimsuit at naka T-back.’ Siyempre sinabi ko ito kay Jen para pumayag siya. Kaya kailangan kong panindigan kasi mapapahiya naman ako sa kanya kapag hindi ko ginawa kaya ginawa na namin,” sabi ni Coco.

At dahil nga nag-T-Back si Coco sa movie, nakita talaga ang kanyang butt, “Sabi ko nga, kung magko-comedy kami, itodo na natin dapat yung matatawa at magugulat talaga ang mga tao kapag napanood nila.”

Bukod kina Jennylyn at Sam at Ai Ai makakasama rin sa pelikula sina Mark Lapid, PJ Endrinal, Pepe Herrera, John Prats, Carmi Martin, Smuglazz, Bassilyo, Sancho Vito, Jhong Hilario at marami pang iba na karamihan ay napapanood din sa Probinsyano. Ipinaliwanag ni direk Coco kung bakit isinama uli niya sa “3POL” ang ilang artista sa Probinsyano.

“Kasi siyempre, pag ikaw ang nagdidirek, ayaw mo nang isipin na magwo-workshop ka on the set o tuturuan mo pa. Siyempre, kung saan ka na mas kumportable, kilala na ang ugali mo, alam na nila ‘yung pacing mo, kumbaga, parang nagtatrabaho ako na katrabaho ko ang kapamilya ko.

“Kaya sila po ang lagi kong kasama-kasama sa kahit ano’ng ginagawa ko. Saka sila po talaga, maaasahan mo in terms of kahit saan – promo, lahat ng ano – hindi na kami nag-uusap-usap, automa­tic na ‘yan na nagkakaintindihan na po kami. Talagang higit pa sa barkada at pamilya ang turingan po namin,” sabi pa nito sa ginanap na grand mediacon ng “3POL Trobol: Huli Ka Balbon”.

Siniguro naman ni Coco na ibang-iba ang ginawa ng mga kasamahan niya sa Probinsyano sa entry nila sa MMFF 2019. Aniya, kailangan talagang ibahin nila ang karakter ng mga Probinsyano stars para hindi naman sabihin ng mga manonood na inulit lang ang mga eksena nila sa pelikula.

Read more...