NASAKOTE ng pulisya ang tatlo sa apat na lalaki na sangkot sa panghoholdap at pamamaril sa mag-syota sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Joemari Cortez, Jayjay Cortez, at Ramon Cabrera, 23, mga residente ng Tondo, Manila.
Nahuli ang mga suspek sa follow-up operation ng Criminal Investigation and Detection Unit matapos makakuha ng impormasyon sa kinaroroonan ng mga ito.
Ang mga suspek ay miyembro umano ng “Riding in Thunder” criminal group.
Nagpulasan ang mga suspek nang makita ang mga paparating na mga pulis alas-10:45 ng gabi. Nagpaputok pa umano ng baril ang mga ito pero nakorner makalipas ang ilang minutong habulan.
Narekober sa mga suspek ang kalibre-.38 Smith and Wesson revolver at mga bala, granada at 55 piraso ng bala para sa 9mm.
Ang mga suspek umano ang humoldap kina Marcus Christian Ong, 36, at Kristy Cardenas, 23, alas-9:40 ng gabi malapit sa Tra Vinh Express Restaurant sa Kanto ng Scout Reyes at Panay Avenue, Brgy. Paligsahan.
Nanlaban ang mga biktima nang kunin ng mga suspek ang kanilang bag kaya sila ay pinagbabaril ng mga suspek.
Namatay si Ong at si Cardenas naman ay nagtamo ng tatlong tama ng bala sa katawan at isinugod sa Capitol Medical Center.