Pacquiao binalikan ang kahirapan sa Gensan; nagtinda ng kahoy, pandesal

SEN. MANNY PACQUIAO

Minsan pang pinatunayan ni Senador Manny Pacquiao na kailanman ay hindi hadlang ang kahirapan sa pagtatagumpay. Alam naman ng buong bayan ang buhay na pinanggalingan ng Pambansang Kamao, wala siyang itinago sa publiko, sa sobrang kahirapan ng kanilang pamilya ay marami siyang pinasok na trabaho.

Tandang-tanda pa namin nu’ng magkakasama kami nina Colonel Jude Estrada, Jayke Joson at ng Pambansang Kamao sa Amerika, palagi niyang ikinukuwento sa amin ang napakapayak nilang buhay sa GenSan, sa halip na sukuan ang mga paghamon ay ginamit pa nga niyang inspirasyon sa kanyang pangangarap ang mga pinagdaanan niyang kahirapan.

“Maaga pa lang, pupunta na kami sa bundok para manguha ng kahoy. Lakad lang kami, kapag may mga dumadaang malalaking truck, sumasabit lang kami para makatipid sa pagod!

“Ibinebenta namin ‘yung mga nakukuha naming kahoy. Minsan naman, nagtitinda ako ng pandesal, napakahirap talaga ng buhay namin!” pag-alala niya sa kanyang kabataan.

Nu’ng Miyerkules ay nagtapos na siya ng pag-aaral sa kolehiyo sa pamamagitan ng alternative learning system. Sa pagitan ng kanyang mga laban at pagtupad sa kanyang trabaho bilang senador ay talagang nagtiyaga siya para makakuha ng diploma sa kursong Political Science major in Local Government Administration.

Hindi siya tumigil sa pangangarap. Sikat na sikat na siyang boksingero sa buong mundo pero pinagtrabahuhan niya ang linya ng edukasyon na hindi niya natikman nu’n dahil makain nga lang ay kapos pa sila.

Masarap maging inspirasyon ang isang tulad ni Senador Manny Pacquiao na hindi nagsawang mangarap, binibigyan niya ng karangalan ang kanyang pamilya, nakikipagsukatan siya ng lakas para mabigyan ng espasyo sa mapa ng mundo ang Pilipinas.

Read more...