ARESTADO ang dalawang lalaki nang makuhaan ng aabot sa P6.8 milyon halaga ng hinihinalang shabu na nakasilid sa pakete ng Chinese tea, sa buy-bust operation sa Port Area, Manila, Miyerkules.
Nadakip ang security guard na si Hairon Kasim alias “Ali,” 36, at tricycle driver na si Norhan Palagoyan, 27, kapwa residente ng Baseco Compound, ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency-Calabarzon.
Isinagawa ng mga miyembro ng PDEA mula Calabarzon at Bangsamoro autonomous region ang operasyon sa panulukan ng 13th st. at Railroad st., dakong alas-2:15 ng hapon.
Dinampot sina Kasim at Palagoyan nang magbenta sila ng 20 sachet na may kabuuang 1 kilo ng shabu na nasa loob ng dilaw na pakete ng “Guanyingwang” Chinese tea.
Nakuha din sa kanila ang P1,000 papel at “boodle money,” pati ang dalawang ginamit nilang cellphone.
Nakaditine ang mga suspek sa pasilidad ng PDEA-Calabarzon sa Calamba City, Laguna, kung saan din dinala ang mga nakumpiskang kontrabando para masuri.
Hinahandaan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Law ang mga suspek. (John Roson)