Baha sa Cagayan, Isabela: 2 patay, 1 nawawala, higit 12K lumikas

DALAWANG tao ang nasawi, isa ang nawawala, at di bababa sa 12,857 ang nagsilikas dahil sa malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela, ayon sa mga awtoridad.

Binaha ang ilang bahagi ng Tuguegarao City at 14 pang bayan sa Cagayan, pati ang Ilagan City, Cauayan City, at apat na bayan sa Isabela dahil sa matinding pag-ulang dala ng “tail-end of a cold front,” sabi ni Lt. Col. Chevalier Iringan, tagapagsalita ng Cagayan Valley regional police.

Samantala, nakilala ang mga nasawi bilang sina Rosendo Guzman Talub, ng Brgy. Bayabo East, at Domingo Bacani, ng Brgy. Lanna, kapwa sa bayan ng Tumauini, ayon kay Capt. Frances Littaua, tagapagsalita ng Isabela provincial police.

Unang naiulat na nawala si Talub sa gitna ng baha, ngunit nakumpirma Huwebes ng gabi na siya’y nalunod, ani Littaua.

Naiulat rin din na nawala si Bacani, pero natagpuan ang kanyang bangkay sa Brgy. Lanna dakong alas-6 ng umaga.

Huwebes ng gabi’y naiulat din na nawawala si Hilario Bersamin, 63, residente ng Purok 2, Brgy. Sto Tomas, Ilagan City.

Sinabi sa pulisya ng manugang niyang si barangay kagawad Benjamin Eusebio na bumalik sa binahang bahay si Bersamin at mula noo’y di na nakabalik, ayon kay Littaua.

Habang isinusulat ang istoryang ito’y tatlong kalsada at walong tulay pa sa Isabela ang di madaanan dahil sa baha, habang 26 barangay at sitio ang walang kuryente.

Napaulat naman na binabalak na ng pamahalaang panlalawigan ng Cagayan na muling magdeklara ng state of calamity dahil sa pinakahuling pagbaha.

Noong nakaraang buwan ay isinailalim din sa state of calamity ang Cagayan dahil sa mga pagbaha at landslide na dulot ng bagyong “Quiel.”

Ayon naman kay Iringan, nagpakalat ng 741 pulis sa mga binahang lugar sa Cagayan at Isabela para tumulong sa paglilikas ng mga residente, at para magsagawa ng search and rescue operations.

Read more...