13th month para sa malls

ANG itinuturing na may pinag-aralan at pantas ang siya pang ayaw maniwala’t makumbinse. Di kailangang makapangyarihan, matalino’t mayaman para magsulong ng mabuting bagay. Iyan ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Is 11:1-10; Sal 72:1-2, 7-8, 12-13, 17; Lc 10:21-24), sa Paggunita kay San Francisco Javier, pari’t masayahing misyonero (kasamang nagtatag ng Society of Jesus), Martes sa unang linggo ng Adbiyento.
***
Gutom, o pantawid-gutom o pang-alis-kalam lang ng sikumura, ang handog ng mga politiko sa sasapit na Pasko. Panlibang ang ginto ng SEA Games dahil wala nang iba (lupaypay na kasi ang isyung Leni La Alam). Panakot ang China, pero ang mahihirap ang namamakyaw ng panindang Made in China; nagkakapalitan ang mga mukha sa halos araw-araw na salubungan sa malls, ang pinaglaanan ng 13th month pay ng obrero padre de pamilya. Alam ng mga may pinag-aralan at pantas na mali ang ganitong buhay pero sila mismo ang nagpapalaganap at nagpapatuloy nito.
***
Gutom na Pasko, kasi mas lalong nadagdagan ang bilang ng walang pera’t mahihirap: mga biktima ng lindol sa Mindanao (nahihirapang bumangon at wala pang nakatitindig mula sa guho), mga binagyo ni Tisoy (puwera pa ang dalawang beses na inilugmok sa Norte) na imbes na damit, pagkain at regalo ay uunahin ang yero, kahoy at semento, at pamilya ng mga suspek at biktima ng droga. Bukod dito ang taun-taon mahihirap sa Pasko: ang mga walang pinag-aralan at nakamamatayan na lang ang pagiging sangkahig-sangtuka (at maluwag pa nilang tinanggap na ito nga ang malupit nilang kapalarang inilaan ng Diyos). Susme.
***
Pareho na ngayon ang ligalig ng mahihirap sa kanayunan at kalunsuran: pagkain, damit, pamasahe, disenteng tirahan, edukasyon at ospital. Maraming industriyang alam ang mga may pinag-aralan at pantas, pero wala sa kanayunan (ah, oo nga pala, may NPA na kanlong ng mga politiko’t pari). Hindi inaalis ang mahihirap sa geologically hazardous areas, tulad ng fault line, guhuin (landslides) at bahain. Isa rin itong dahilan kung bakit may malupit na kapalaran. Ipapasa na lang ang ganitong sinapit sa susunod na henerasyon, na ang masasabi na lang ay minana nila ang kahirapan.
***
Hindi masisisi ang ilang opisyal ng PNP kung bakit nananamlay na sila sa kampanya kontra droga. Bukod sa labas-pasok na mga suspek sa bilangguan (pera-perang sabwatan ng imbestigasyon at piskalya), lumalaki ang komunidad na tanggap na ang bisyo, tulad ng Bacoor, Cavite; Novaliches, Payatas at Batasan Hills sa Quezon City; at North Caloocan. Sa araw-gabing panghuhuli ng mga pulis, may mga mayor at congressmen pa ba ang mga pugad na ito? Mahigit dalawang dekada na ang mga Revilla sa Bacoor at marami pa rin ang shabu. Ang mga pulis na sina Cabatingan, Cejas at Francisco na lang ang tapat sa tungkulin.
***
Tsubibong kampanya kontra korapsyon ang istilo ng gobyerno, mga politiko at hudikatura. Bakit ang mga tagapamahala ng DAP at PDAF na sina Noynoy Aquino at Butch Abad ay inililigtas sa demanda? May bagong desisyon ang mataas na hukuman na hindi pananggalang ang “good faith.” Ang malinis na Panfilo Lacson ay hindi kumikibo sa partisipasyon nina Aquino’t Abad sa katiwalian. Dedma rin kay Lacson ang pananagutan ni Aquino sa napintakasing SAF 44 (porke kaibigan niya si Aquino?). May mga kasong isinampa kay Aquino, nahindi gumugulong. May pinag-aralan at mga pantas nga sila.
***
Walang bago’t kamanghamangha sa palabas sa pagpapasinaya sa 30th SEA Games. Kinoberan ko noon ang Kasaysayan ng Lahi ni Imelda Marcos sa pagbubukas ng Folk Arts. Bongga ito, bagaman iilan lang ang sayaw; pero naipaabot sa taumbayan ang makulay na kasaysayan ng ating lahi. Galit ang matatanda, tulad ko (rider at magre-renew ng lisensiya ng mga baril sa edad na 70), dahil di man lang kinilala at pinasalamatan ang magkapatid na Garcia sa kanilang walang kamatayang “Manila.” Sa Culver at Daly cities sa California, “Manila” ang tinutugtog sa kalye, at nakikisayaw ang mga Kano dahil galing din sila sa Manila, bukod sa turan na San Francisco at Disneyland. At nakisayaw pa nga si Duterte (Rodrigo, hindi Sara).
***
UST (Usaping Senior sa Talakayan sa Pungo, Calumpit, Bulacan): Bonus ka na ba ngayong Pasko? Ang bonus na tukoy ay mula sa Diyos, at hindi sa amo (tao). Masuwerte ang umpukan; may bonus. Lagpas pa nga ng 70 ang iba at isa ay makaaabot pa ng 80. Di naman nakalilimot magpasalamat ang matatanda, bagaman noong bata’t malalakas pa ay bihirang tumingala’t tumawag sa Diyos. Sa pagtanda, tila ayaw nang mawalay sa Diyos. Buhay nami’y umabot ng 70 taon singkad. Minsan nama’y umabot ng 80, kung malakas. Awit 90:10.
***
PAGBABAHAGI sa NilaYan (Nilay-Ugnayan sa San Marcos, Calumpit, Bulacan): Karaniwan na lang ang makarinig, at makasumpong, ng galit na tao. May nagmumura; naghahamon. Kapag nauwi sa pananakit, gulo. Kapag may nasawi, kaso. Kapag may kaso, may kalaboso. Wala na bang makapagpipigil ng galit? Sa tahanan o tarangkahan? Sa Ingles, anger is useless.
Ang taong magagalitin ay laging napapasok sa gulo; laging nakikipag-away dahil sa init ng ulo. Kawikaan 29:22.
***
PANALANGIN: Tulungan Mo akong pigilan sa pagsasalita’t pagkilos ng di nararapat. Fr. Mar Ladra, ng Healing Eucharist, na itinataguyod ng Philippine Daily Inquirer.
***
MULA sa bayan (0916-5401958): Maraming may alam sa droga rito pero tahimik lang. Mabuti pa si Vice Leni. …6734, Fatima, GenSan.

Read more...