NPA commander, 2 pang hinihinalang rebelde patay sa Antipolo raid

TATLONG hinihinalang rebeldeng komunista, kabilang ang isa umanong mataas na lider ng New People’s Army, ang napatay nang magsagawa ng raid ang mga tropa ng pamahalaan sa Antipolo City, Rizal, Huwebes ng madaling-araw.

Kabilang sa mga napatay sina Armando Lazarte alyas “Pat Romano” na, ayon sa militar, ay executive committee member ng Southern Tagalog Regional Party Committee at sekretarya ng sub-regional military area 4A.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng dalawang napatay na kasama ni Lazarte.

Ayon kay Brig. Gen. Vicente Danao, direktor ng Calabarzon regional police, isinagawa ng Army intelligence operatives, kasama ang mga miyembro ng iba pang unit ng militar at pulisya, ang raid sa bahay sa Aquarius st., Sierra Vista Subd., Brgy. Cupang, dakong alas-2.

Isinagawa ang operasyon para silbihan ng arrest warrant para sa mga kasong murder at frustrated murder si Lazarte, pero nauwi ito sa palitan ng putok, aniya.

Ayon kay Lt. Col. Christopher Diaz, commander ng Army 80th Infantry Battalion, pinaputukan ni Lazarte at mga kasama nito ang mga arresting officer kaya nagkabarilan.

Unang nasugatan si Lazarte at kanyang mga kasama kaya nilapatan ng paunang lunas at dinala sa Amang Rodriguez Hospital, pero di na sila umabot nang buhay, aniya.

Nakarekober ang mga sundalo’t pulis ng isang M16 rifle, kalibre-.9mm pistola, kal-.45 pistola, dalawang granada, mga laptop, mga cellphone, sari-saring “subersibong” dokumento, pati na isang watawat ng NPA at mga t-shirts at sumbrerong ginagamit ng mga rebelde.

Ayon kay Maj. Gen. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., commander ng Army 2nd Infantry Division, bago ang operasyo’y itinimbre ng mga impormanteng mula sa loob ng NPA ang kinaoroonan ni Lazarte, at kinumpirma ito ng mga residente.

Inilarawan niya ang pagkakapatay kay Lazarte bilang “decisive blow” sa mga rebelde.

“It will result to leadership vacuum, thus, further pushing them on the brink of collapse,” ani Burgos.

Si Lazarte ang ikalawang mataas na lider mula Southern Tagalog na na-“neutralize” sa loob ng siyam na araw, matapos maaresto si Jaime Padilla, isang Central Committee member, sa Cardinal Santos Hospital ng San Juan City, noong Nob. 26, ayon sa militar.

Read more...