Target ni Tulfo ni Mon Tulfo
BATUHAN na ng mga mababahong basura ang ginagawa ng mga kandidato sa kanilang mga karibal sa umpisa pa lang ng campaign season para sa eleksyon sa Mayo.
May mga tarantadong nagpapatayan pa dahil lamang sa usapang politika.
Ang karaniwang bati ng mga mamamayan sa isa’t isa ngayon– sa halip na,“Kumusta ka?”—ay, “Sino ba ang iboboto natin?”
Ang mga Pinoy ay kabilang sa mga tao sa mundo na masyadong dinidibdib ang politika.
Sa ibang bansa, gaya ng Estados Unidos, pangkaraniwan lang na kaganapan ang eleksyon. Walang nagpapatayan dahil sa argumento tungkol sa kung sino ang mas magaling na kandidato.
* * *
Bakit ba ipinagbabawalan ng Comelec ang mga artista, TV personalities at newspaper columnist na mag-endorso ng mga kandidato sa kampanya para sa May election?
Di ba nakasaad sa ating Saligang Batas ang malayang pamamahayag?
At di ba nakasaad din sa ating Saligang Batas na walang batas na ipapasa na pipigil sa pagpapatupad ng malayang pamamahayag?
Hindi ako abogado, pero yan ang nakikita ko sa pagbabawal ng Comelec sa mga tanyag na personalidad na mag-endorso ng mga kandidato.
* * *
Hindi na ako lalayo pa at gagawin ko ang aking sarili na ehemplo.
Hindi ako binayaran ni Sen. Dick Gordon nang sabihin kong siya ang napili ko.
Matagal ko nang kilala si Dick Gordon at sa aking palagay ay siya ang pinaka-qualified. Kailangan bang mag-file ako ng leave sa Bandera at INQUIRER bilang kolumnista?
Hindi ba pagsikil ito ng Comelec sa aking karapatan bilang mamamahayag?
* * *
Ang sabi ng Comelec ay dapat mag-leave sa trabaho ang mga artista, TV personalities at kolumnista sa kanilang pag-endorso sa kani-kanilang kandidato.
Ipinagbabawal daw kasi ito ng bagong pasang batas.
Kung gayon, sinusuway ng batas na iyan ang Saligang Batas na nagsasaad:
“No law shall be passed abridging the freedom of the press and of speech.” Or words to that effect.
* * *
Ang dapat na magbawal sa mga artista, TV personalities at kolumnista ay ang kani-kanilang mga network o diaryo, hindi ang anumang batas.
Maaaring hindi ayon sa good taste ang pag-endorso sa isang kandidato—gaya ni Kris sa kanyang kapatid na si Noy Aquino na tumatakbo pag-Presidente—pero hindi dapat ito gawing labag sa batas.
Ang pagbabawal ng batas ay dahil makakasakit sa kapwa o sa lipunan ang isang gawain.
Pero wala akong nakikitang pananakit sa kapwa o sa lipunan ang pag-endorso ng isang artista, TV personality o columnist sa isang kandidato.
* * *
Ang nasa ibaba ay tinanggap ko na text message na joke tungkol sa mga presidential candidates.
Baka wala pa kasi kayo, kaya’t heto na:
Si Villar daw ay Tondo Boy; Noynoy, Mama’s Boy; Gibo, Lover Boy; Erap, Kanto Boy; Gordon, Amboy; Eddie V., Altar Boy; Jamby, If I were a Boy.
Hahaha!
BANDERA, 021310