Lito Bautista, Executive Editor
Walang jacuzzi sa bahay. Walang malamig na kuwarto sa bahay. Walang kuwarto sa bahay na tahimik na di ka maiistorbo ng mga bata, kapitbahay, aso o pusa. Walang silid sa bahay na maraming salamin. Para maiba naman ang mga tsinelas ninyo. Para maiba naman ang tuwalya ninyo. Dalawa pa. Para maiba naman ang kobrekama ninyo (may pangalan pa). Para maiba naman ang kumot ninyo (may pangalan din).
Sa labas ay maaari ninyong sariwain ang umpisa ng inyong pagmamahalan. Noong una na wala pa kayong mga problema, kundi ang madalas na pagkikita, pag-uusap at sabay na kumain lamang. Sariwain ang nakaraan na wala pa kayong pinag-aawayan at tampuhan lamang na madali namang napapawi sa kagyat na paglalambing.
Sayang ang mga panahong iyon kung di ninyo babalikan, na kayong dalawa lamang. Na sa tuwing pagkikita ay di mailarawan ang lubos na kaligayahan na pinag-iinit ng pananabik.
Ganyan ang tunay na pag-ibig. Binabalikan. Sinasariwa. Nang sa gayon ay tumagal pa ang pag-aalab ng samahan. Nang sa gayon ay makaiwas sa nakapaligid na tukso na kumakaway para mabulid at malulong ang sinuman sa inyong dalawa.
BANDERA, 021210