Fatigue factor ang dahilan?

Lucky Shot by Barry Pascua

FATIGUE factor!
Iyan ang tinutukoy nilang sanhi ng pagkatalo ng Barangay Ginebra at Purefoods Tender Juicy Giants sa Game One ng best-of-seven semifinal round ng PBA Philippine Cup noong Miyerkules.
Kasi galing nga raw ang Gin Kings at Giants sa “gruelling” best-of-five quarterfinals series na umabot ng Game Five at natapos noong Linggo. Napagod daw nang husto ang dalawang koponang ito “physically, mentally and emotionally” kung kaya’t hindi naging maganda ang kanilang performance sa series opener. Hindi sila nakapaghanda nang maayos at hindi pa nila na-recover ang kanilang lakas.
Ano sa palagay ninyo?
Ako?
Hindi ako mapalagay! Hehehe…
Palagay ko, hindi dapat na gamiting dahilan ang “fatigue factor.”
Mga professional players iyan, e. Sumusuweldo sila para maglaro sa kahit na anong klaseng kondisyon.
Iyon ang kanilang trabaho.
Kung ang ordinaryong manggagawa na araw-araw ay trabahong magtibag ng bato, maghakot ng basura, magkumpuni ng mga kagamitan para sa “minimum wage” ay hindi nagrereklamo sa pagod, pwede bang gamitin ng mga highly-paid basketball players na dahilan ang “fatigue factor?”
Hindi dapat, ‘di ba?
Tama si Barangay Ginebra coach Joseph Uichico na magtampo sa ilang players niya matapos na tambakan sila ng Alaska Milk, 104-79, sa Game One.
Aniya, “What I’m disappointed about is seeing players who don’t rise to the challenge, who can’t find the inner strength to rise above adversity.”
So, ipagpalagay nating may kinalaman ang “fatigue factor” sa pagkatalo nila sa Game One, sapat na ba ang isang araw na pahinga upang makabawi sila sa Game Two mamayang gabi?
Alalahanin natin na ang quarterfinals ay natapos noong Linggo kung kailan tinalo ng Gin Kings ang Talk ‘N Text, 113-100, at dinaig ng Purefoods ang Rain Or Shine, 95-85. Sabihin na nating nahirapan sila at na-drain sila sa seryeng nakaraan.
Pero nagkaroon sila ng dalawang araw para paghandaan ang semifinals. Miyerkules pa nagsimula ang semis, hindi ba? Kahit paano’y puwedeng nagpahinga sila ng kaunti noong Lunes at walk through na lang muna ang ginawa nilang paghahanda. Pagkatapos, noong Martes ay full at hard pratice na ang kanilang ginawa. Kahit paano’y makapagbibigay sila ng magandang laban sa Game One.
Pero natalo sila at “fatigue factor” ang sinisisi nila.
Aba’y nandiyan pa rin ang “fatigue factor” papasok sa Game Two. Kasi, imbes na dalawang araw ang kanilang paghahanda, isang araw lang ang pagitan ng Game One at Game Two. Mas dikit at mas masikip kaysa noong natapos ang quarterfnals.
Paano ngayon iyan?
E ‘di hanggang matapos ang serye’y panay “fatigue factor” na lang ang dahilan?

BANDERA, 021210

Read more...