PINATUNAYAN ng Pilipinas na hari rin ito ng 3×3 basketball matapos dominahin ang nasabing kumpetisyon sa 30th Southeast Asian Games.
Itinala ng Pilipinas ang pagwalis sa walong laro nito sa kumpetisyon tungo sa pagsukbit ng ginto medalya sa 30th Southeast Asian Games 3×3 men’s basketball finals na ginanap Lunes ng hapon sa Filoil Flying V Centre, San Juan City.
Nakumpleto ng Gilas men’s team ang eight-game sweep matapos nitong durugin sa kanilang finals match ang Indonesia, 21-9.
Ang kanilang dominanteng paglalaro ay sinundan naman ang panalo ng Gilas women’s squad na nauwi rin ang ginto matapos maungusan ang Thailand, 17-13.
Nauna nang tinalo ng Gilas men’s team ang Thailand, 21-11, sa kanilang semifinals match para makapasok sa gold medal round.
Ang Gilas men’s squad ay binubuo nina Jason Perkins, Mo Tautuaa, CJ Perez at Chris Newsome.
Ang panalo ng Gilas women’s team sa finals kontra Thailand ay naging pambawi nito sa nasalap na 22-20 overtime loss sa kanilang huling elimination round match.
Ikinasa ng Pilipinas ang laban kontra Thailand matapos nitong ilampaso ang Vietnam, 21-12, sa kanilang semifinals match.
Ang Gilas women’s team ay kinabibilangan nina Afril Bernardino, Jack Danielle Animam, Clare Castro at Janine Pontejos.