SINABI ni Senate President Vicente Sotto III na hindi na dapat atasan ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng mga ulat ng pagdukot na kumakalat sa social media.
“I’m sure they (PNP) know what to do,” sabi ni Senate President Vicente Sotto sa isang text message.
“PNP does not need prodding from politicians and armchair critics,” dagdag ni Sotto.
Naglabas ng pahayag si Sotto matapos naman ang umano’y sunod-sunod na pagdukot na kumakalat sa social media matapos namang mapaulat na siyam na katao ang nawawala sa Pasay City.
Samantala, hiniling ni Senator Imee Marcos na beripikahin ang mga post sa social media at magsagawa ng kaukulang hakbang, partikular ang pagpapakalat ng mga pulis sa kalye.
“Sabihin man na fake news ito o hindi, kailangang umaksyon ang gobyerno rito dahil maraming ang natatakot na mga kabataan, mga magulang at bawat pamilya,” sabi ni Marcos.
Idinagdag ni Marcos na dapat na magsagawa ang PNP at mga lokal na pamahalaan ng kampanya para bigyan ng impormasyon ang mga magulang kung paano matitiyak ang kaligtasan ng kanilang mga anak.
Nagbabala naman ang PNP na mahaharap sa kaso ang mga magkakalat ng fake news kaugnay ng mga pagdukot.
Sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac na maaaring matukoy ng cyber patrol team ng Anti-Cybercrime Group ang mga pinagmulan ng mga psot sa social media hinggil sa mga kidnaping.