WAGING Best Actor si Daniel Padilla habang Best Actress naman si Glaiza de Castro sa ginanap na 37th Luna Awards nitong Sabado ng gabi.
Ang Gabi ng Parangal ay pinamunuan ng Film Academy of the Philippines at ginanap sa Maybank Performing Arts Theater sa Taguig.
Nanalo si Daniel para sa kanyang pagganap bilang frustrated musician sa pelikulang “The Hows of Us” ng Star Cinema kung saan nakatambal niya ang kanyang girlfriend na si Kathryn Bernardo.
Tinalo ni DJ sa nasabing kategorya sina Eddie Garcia (Rainbow’s Sunset), Dingdong Dantes (Sid & Aya), at Christian Bables (Signal Rock). Ang “The Hows of Us” ay idinirek ng blockbuster director na si Cathy Garcia-Molina.
Naiuwi naman ng Kapuso star na si Glaiza ang best actress trophy sa 37th Luna Awards para sa pelikulang “Liway” habang wagi naman si Chito Roño bilang best director for “Signal Rock.”
Narito ang iba pang nagwagi sa 2019 Luna Awards: Best Editing, Chuck Gutierrez (Liway); Best Musical Score, Jerrold Tarog (Goyo: Ang Batang Heneral); Best Cinematography, Neil Daza (Gusto Kita with All My Hypothalamus); Best Production Design, Maolen Fadul (Gusto Kita with All My Hypothalamus).
Ibinigay ang Fernando Poe, Jr. (FPJ) Lifetime Achievement Award this year kay Mother Lily Monteverde ng Regal Films; Manuel de Leon Award for Exemplary Achievements kay Nova Villa. Ang Lamberto Avellana Memorial Award naman ay ibinigay sa mga direktor na sina Wenn Deramas at Soxie Topacio.