TRENDING at viral na ngayon ang naganap na bonggang opening ceremony ng 2019 Southeast Asian Games na ginanap sa Philippine Arena nitong Sabado.
Nahati sa dalawang bahagi ang production number para sa pagwe-welcome ng mga delegates ng SEA Games ngayong taon.
Hataw kung hataw naman ang ipinakita ng mga Pinoy performers sa ikalawang bahagi ng opening mumber. Umaatikabong rakrakan ang nangyari on stage sa pangunguna ng Black Eyed Peas’ lead vocalist na si Apl.de.ap.
Sinundan pa ito ng pagbandera ng mga nationalistic songs ng Master Rapper na si Francis Magalona featuring Iñigo Pascual, Elmo Magalona at KZ Tandingan kabilang na ang “Mga Kababayan,” “Man from Manila,” at “Tayo’y mga Pinoy.”
Ang iba pang nag-perform sa pinag-uusapan pa rin ngayong opening ceremony ay sina Christian Bautista, Anna Fegi, Jed Madela, Aicelle Santos, Robert Seña, TNT Boys at si Lani Misalucha na siyang kumanta ng “Lupang Hinirang.”
In fairness, pinusuan ng napakaraming netizens ang version ng Asia’s Nightingale ng Pambansang Awit, “it was perfect! Flawless!” ang nagkakaisang komento ng mga nakapanood.
Kinanta rin ng mga ito ang theme ng 2019 SEA Games na “We Win As One” na talaga namang makapanindig-balahibo.
* * *
Nakisabay naman sa pagkanta ang libu-libong Pinoy nang patugtugin na ang OPM classic ng Hotdog, ang “Manila” habang pumaparada ang Philippine delegates sa Southeast Asian Games.
Kitang-kita pa nga si Pangulong Rodrigo Duterte na sumasabay din sa kanta with matching dance moves. Siya ang nagbigay ng hudyat ng pagsisimula ng 2019 SEA Games.
Isa-isang pumarada ala-Flores de Mayo ang mga atleta mula sa iba’t ibang bahagi ng Asia kasama ang Pinay beauty queens na nagsilbing muse ng bawat bansa.
Kasama ng Brunei si Miss Intercontinental 2018 Karen Gallman; muse ng Cambodia si Miss Multinational 2017 Sophia Senoron; Indonesia with Miss World 2013 Megan Young; Lao People’s Democratic Republic with Miss Eco International 2018 Cynthia Thomalla; Malaysia with Miss International 2005 Lara Quigaman; Myamar was with Miss Earth 2017 Karen Ibasco.
Nakasama naman ng Singapore si Miss Earth 2014 Jamie Herrell; Thailand with Miss Earth 2015 Angelia Ong; Timor-Leste with Miss Tourism International 2017 Jannie Alipo-on; and Vietnam with Miss Asia Pacific International 2018 Sharifa Akeel.
At panghuli nga ang Team Philippines kasama si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.
Isa pa sa pinalakpakang eksena sa opening ceremony ay ang pagparada sa bandera ng South East Asian Federation Games na bitbit ng tinaguriang Philippines’ most elite athletes – sina Lydia de Vega, Akiko Thompson, Eric Buhain, Alvin Patrimonio, Bong Coo, Efren “Bata” Reyes, Onyok Velasco at Paeng Nepomuceno.