Igan ibabalik si Arn-arn sa Unang Hirit: Level up na siya!

“Kapag mahal mo ang trabaho mo, mamahalin ka rin pabalik!” Yan ang prinsipyong isinasabuhay ng award-winning broadcast journalist na si Arnold Clavio.

Kaya naman sa dalawang dekada ng paghataw sa Philippine TV, muling pinapirma ng GMA 7 ng kontrata si Igan at ang iba pang hosts ng morning show nilang Unang Hirit.

Isa si Arnold sa mga original hosts ng show at aniya isang malaking karangalan na patuloy na sinusuportahan ng mga Pinoy sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang kanilang programa.

“Ako kasi naniniwala talaga na kapag tunay mong minahal ang trabahong ipinagkatiwala sa yo, mamahalin ka rin niyan pabalik.

“Napakaswerte ko dahil second family ko na talaga ang UH, may mga original na nawala, may mga bagong dumating pero hindi nabago ‘yung pakikitungo at suporta.

“At natutuwa kami na nabibigyan rin ng suporta ang iba na maging bahagi ng Unang Hirit,” ani Igan sa nakaraang presscon para sa 20th anniversary ng programa.

Ayon pa kay Arnold, sa pagdiriwang ng kanilang ika-20 anibersaryo mas marami pang sorpresa at pasabog ang dapat abangan ng viewers na magsisimula na nga ngayong araw.

Masaya ring ibinalita ni Igan na kasabay ng kanilang anibersaryo ay magbabalik din ang sikat na puppet at ang kanyang alter-ego na si Arn-arn.

“Gusto kong magkaroon ng puppet na socially aware in a way na magandang nakakatawa. Kasi minsan mayroon akong hindi puwedeng sabihin, na dapat siya ang magsabi.

“Matatawa ka, pero may dating eh. ‘Yun ang gusto ko para kay Arn-arn. Tsaka yung mga punchline niya kasi ay kakaiba. Kapag idinemanda mo ‘yung puppet ng libel, mas puppet ka,” pahayag pa ni Igan.

Read more...