Juday siguradong best actress na rin 2019 MMFF

NAALALA namin si Mama Alfie Lorenzo, ang halos nagpalaki at gumabay sa pagiging artista ni Judy Ann Santos, nang malaman naming siya ang tinanghal na Best Actress sa Cairo International Film Festival.

    Sa madalas kasi naming kuwentuhan ng namayapang manager ni Juday ay madalas nitong sabihin nang may pagmamalaki na ang kanyang alaga ang tatanghaling pinakahuling Movie Queen.

    Mangangarap daw ang marami, pero wala nang susunod pa sa yapak ng kanyang alaga, pagmamalaki pa ni Mama Alfie.

    At heto na nga, habang nagluluto si Judy Ann Santos ng kanyang kinakarir na pambentang adobo ay isinigaw ng host ng Cairo International Film Festival na siya ang nagwaging Best Actress para sa pelikulang “Mindanao” na pinamahalaan ni Direk Brillante Mendoza.

    Napakalaking karangalan nito hindi lang para kay Juday at sa buong produksiyon, 1995 pa nang huling maiuwi ng isang Pilipino ang nasabing parangal, si Nora Aunor ang bumandera nu’n sa pelikulang “The Flor Contemplacion Story” na obra naman ni Direk Joel Lamangan.

    Pagkatapos nang dalawampu’t apat na taon ay heto, kinabog ng isang Pilipino ang lahat ng magagaling na artista na naglaban-laban sa prestihiyosong Cairo Film Festival, wagi si Judy Ann Santos.

    Kalahok sa darating na MMFF ang “Mindanao,” pagtatalunan pa ba natin ngayon kung sino ang pararangalang Best Actress sa gabi ng lokal na pestibal, may iba pa ba?

Read more...