NAKAKAGULAT ang performance ang Letran Knights sa 89th Season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) men’s basketball tournament kung saan sila ang tanging koponang hindi pa nakakatikim ng kabiguan.
Nairehistro ng Knights ang ikapitong sunod na panalo nang tambakan nila ang Mapua Cardinals, 87-68, noong Lunes sa The Arena, San Juan.
Nakakagulat ito sapagkat bago ang coach ng Letran sa katauhan ni Caloy Garcia na humalili kay Louie Alas bago nag-umpisa ang season.
Alam naman nating lahat na parang permanent fixture na si Alas sa Letran dahil hinawakan nito ang Knights magmula pa noong panahon ni Kerby Raymundo.
Pansamantala lang niyang iniwanan ang Knights sa loob ng dalawang season nang maging head coach siya ng Manila Metrostars sa Metropolitan Basketball Association (MBA). Hinalinhan siya noon ni Binky Favis.
Kumbaga’y baon na baon sa Letran ang sistema ni Alas. Kinatatakutan nga ang depensa ng Knights at ito’y tinagurian noong “40 minutes of hell.”
Naihatid ni Alas ang Knights sa best-of-three finals kontra San Beda Red Lions noong nakaraang season. Ito’y matapos na binalewala nila ang twice to beat advantage ng powerhouse San Sebastian Stags sa Final Four.
Pero nabigo ang Knights na mapatalsik sa kinaluluklukan ang Red Lions na nagkampeon sa ikatlong sunod na season via a two-zero sweep sa finals.
Hindi natin alam kung ano ang nangyari sa relasyon ni Alas at ng Letran management. Nagbitiw kasi si Alas bilang head coach at hindi na rin nagtuloy sa paglalaro sa Letran ang kanyang mga anak na sina Kevin at Kristofer Alas.
Maraming mga kandidatong kinunsidira ang Letran upang humalili kay Alas. Kabilang na rito ang dati nilang coach na si Larry Albano na naghatid ng tatlong kampeonato noong panahon ni Samboy Lim.
Pero kinalaunan ay kay Garcia napunta ang head coaching job ng Knights. Hindi naman bago si Garcia sa NCAA dahil dati nitong hinawakan ang College of St. Benilde Blazers.
Pero forgettable ang stint na iyon dahil tila tatlong panalo lang ang naitala niya bilang coach sa dalawang seasons. Subalit marami na ang nangyari sa career ni Garcia magmula nang iwan niya ang Blazers.
Naging head coach siya sa PBL bago niya hinawakan ang Rain or Shine sa PBA. Pumayag siyang bumaba bilang assistant coach ni Yeng Guiao dalawang seasons na ang nakalilipas.
At ngayon nga’y balik NCAA siya at nahigitan na niya ang bilang ng mga panalong itinala niya bilang mentor ng St. Benilde.
Kung titingnan ay tila finals bound muli ang Knights ngayon.
Pero teka, hindi pa naman nila nakakaharap ang Red Lions sa season na ito. Iyon ang magsisilbing tunay na ‘acid test’ sa kakayahan ng Knights na magtuloy-tuloy sa itaas.
Kaya ba ng Letran na tapatan ang manpower ng San Beda? Kaya ba ni Raymund Almazan na makontrol si Olaide Adeogun?
Kaya bang makipagsabayan ni Mark Cruz kay Baser Amer?
Sino ang mas matinding scorer kina Kevin Racal at Rome Dela Rosa? Sino ang mas pisikal kina Jonathan Velorio at Arthur Dela Cruz?
May itatapat ba si Garcia sa ibang big men ng San Beda tulad nina Kyle Pascual at Anthony at David Semerad? Ito ang mga tanong na kailangang tugunan ng Knights kung patuloy na mamamayagpag ang Letran sa season na ito.