Inang kinain ang sariling anak hinding-hindi malilimutan ni Mel Tiangco

 

FEELING vindicated ang award-winning TV host-news anchor na si Mel Tiangco nang ibalik sa ere ng GMA 7 ang drama anthology series niyang Magpakailanman matapos itong magpahinga ng ilag taon.

Aniya, talagang ikinabigla niya noon ang pagtsugi sa weekly drama series ng Kapuso Network dahil hindi niya maintindihan kung bakit kailangang mawala ang isang programa na maganda naman ang rating at talagang pinanonood ng publiko.

Sa ginanap na mediacon para sa 7th anniversary ng Magpakailanman, inamin ni Mel na napaiyak talaga siya noong sabihan siya ng mga bossing ng GMA na ibabalik na ang kanyang drama anthology na patuloy pa ring humahataw ngayon sa ratings game.

“Noong tinanggal hindi ako umiyak. Eh noong binalik eh, maiyak-iyak ako! Why? Kasi feel na feel ko na importante pala ako. Importante pala ang ‘Magpakailanman’ at ang ‘Magpakailanman’ pala ay mahal din ng GMA,” paliwanag niya.

Natanong ang 24 Oras news anchor kung naaapektuhan pa rin ba siya ng mga kuwentong ipinalalabas nila sa MPK tuwing Sabado, oo naman daw lalo na kapag ito’y may kinalaman sa mga nanay. Isa sa mga hinding-hindi niya malilimutang istorya ay ang episode kung saan kinain ng ina ang sarili niyang anak.

“Siyempre bilang ina din myself at may anak rin ako tatamaan ka rin noon eh. Hindi mo aakalain eh mangyayari ‘yun sa mundong ito. Imagine, sarili mong anak kakainin mo. But after that, talagang ipinagdasal ko sila, pati ang kanilang pamilya.”

Effort din daw sa kanya ang maging matatag at iwasang maging emosyonal kapag nadadala siya sa kuwento ng Magpakailanman, “Pag may kausap kang tao na may dala-dala, eh medyo tantiyahin mo rin sarili mo na hindi kumapit sayo, na hindi ka maapektuhan ng daladala niya.”
Sa kabuuan, 12 taon na ang Magpakailanman sa GMA at nagpapasalamat si Mel sa lahat ng Kapuso viewers na talagang tumututok sa kanila every Saturday night. Kasabay nito, todo rin ang pasasalamat niya sa kanyang team.

“Hindi mabubuo ang isang masterpiece such as ‘Magpakailanman’ kung hindi sa tulong, pagod, galing ng maraming tao, and I mean the production staff, the director, the PAs,” aniya.Para sa unang pasabog ng MPK 7th anniversary, bibida sa two-part episode na “OFW Most Wanted”sina Dennis Trillo, Ina Feleo at Lito Pimentel. Mapapanood ito sa Dec. 7 at 14 after Daddy’s Gurl.

Iikot ang kuwento nito kay Rens Tuzon, isang OFW sa Saudi Arabia na dumaan sa iba’t ibang uri ng pang-aabuso habang ang asawa naman niya ay nagtataksil sa kanya. Ayon kay Renz hindi niya mapigilan ang maiyak habang nanonood sa taping ng programa.

“Kinikilabutan talaga kasi pag umiiyak siya tumatalikod ako sa eksena kasi napapaiyak ako, kasi buhay ko ‘yun…Bawat move niya, bawat salita niya, ang hirap.”

“Sadly bumabalik kasi pinapanood ko siya pero happy kasi ilang milyon sa Pilipinas, I mean, tao sa mundo, at isa ako sa mapalad na makita sa ‘Magpakailanman and ma-share ko buhay ko tapos isang Dennis Trillo pa ang gaganap,” aniya pa.

Read more...