IKINATUWA ng Alliance of Concerned Teachers ang ginawa ng Senado na doblehin ang pondo para sa pagtataas ng sahod ng mga empleyado ng gobyerno sa susunod na taon.
Umaasa ang ACT na mananatili ang P63 bilyong inilaan ng Senado para salary increase ng mga taga-gobyerno kapag tinalakay na ng 2020 national budget sa bicameral conference committee na magsisimula sa Lunes.
Sa orihinal na P4.1 trilyong panukalang budget P31.1 bilyon ang inilaan para sa salary increase. Dinagdagan umano ito ng P32 bilyon ng Senado.
“We thank our senators for heeding the clamor of our teachers and all employees in the public sector. This initial victory is a good start for our fight for decent salaries but a lot of work still needs to be done,” ani Joselyn Martinez, ACT National Chairperson.
Paliwanag ni Martinez sa bersyon ng Senado, madaragdagan ang buwanang sahod ng P1.5 milyong empleyado ng gobyerno ng P3,000.
“We urge the Congress to immediately pass the legislation that will complete our demand for decent salaries and remedy the distortion in government pay scheme brought about by the one-sided doubling of the uniformed personnel’s base pay,” dagdag pa ni Martinez.