IDINAAN umano sa Ninoy Aquino International Airport kamakailan ang P6 bilyong pera na inilagay sa mga bag.
Ayon kay ACT-CIS Rep. Eric Yap mula Setyembre ay P6 bilyon na ang perang ipinasok sa NAIA galing sa Hong Kong at Singapore.
Sinabi ni Yap na idinedeklara ang mga perang ito na gagamitin umano sa casino.
“Ok lang sana kasi dito gagastusin sa bansa natin, makakatulong sa ekonomiya ng bansa. Kaso nakakaduda yung pattern, may Pilipinong darating mula sa Hong Kong at Singapore na may dalang daan-daang milyong piso tapos idedeklara na gagamitin para sa casino. Economy class ang ticket pero umaapaw ang maleta ng pera para ilaro sa casino? Usually yung mga ganyan, mga junket, nasa chartered flight o sobrang high profile ng security,” ani Yap.
Sinabi ni Yap na walang katiyakan kung sa casino ilalaro ang pera dahil hindi naman ito ipinasok sa bangko upang magkaroon ng paper trail.
“Pagpasok ng pera sa bansa, alam pa ba natin kung gagamitin ito sa destabilization o terorismo? Hindi. Cash ipinasok so anong gagawin ng AMLC? Anong ifi-freeze nilang assets? Wala. Kasi cash ipinasok.”
Hindi iligal na magpasok ng pera na lagpas sa cash limit sa Pilipinas at kailangan lamang na ito ay ideklara.
“Walang kapangyarihan yung Customs e, kasi hindi naman yan goods na pwede i-tax based on value. Hindi nila saklaw kaya naabuso. Idedeklara gagamitin sa casino pero ang hamon ko sa Customs, alamin ninyo, due diligence dapat. At the very least, tatawagan niyo yung casino to verify. Or tatawagan niyo yung counterpart ninyo sa country of origin to validate. Ang lambot ng batas natin ukol dito, sana hindi tayo magising isang araw na may isang internationally-funded destabilization plot na sa bansa o may bagong grupo na ng mga teroristang nabuo.”
Dapat umanong magkaroon ng reporma para sa pagpasok ng malalaking pera sa bansa.
“Hindi naman kailangan ipagbawal pero dapat i-regulate na ito. Dapat may certification from Bangko Sentral at dapat malinaw kung para saan ito. Pag kaduda-duda, dapat may power ang Customs to seize the money.”