ISANG pulis ang nasawi at 11 pa katao, karamiha’y estudyante, ang nasugatan nang masabugan ng granadang dala ng isang matandang lalaki sa paaralan sa Initao, Misamis Oriental, bago mag-tanghali Huwebes.
Napatay din ang suspek, na sa huli’y nakilala bilang si Ebrahim Ampaso Basher, nang barilin ng isa sa mga rumespondeng pulis, sabi ni Capt. Princess Joy Velarde, tagapagsalita ng Misamis Oriental provincial police.
Si Basher, 65, y residente ng Madamba, Lanao del Sur, ani Velarde.
Nasawi rin si MSgt. Jason Magno, ng Initao Police, dahil sa matinding pinsalang tinamo sa pagsabog, aniya.
Matinding sugat din ang tinamo ng buddy niya na si MSgt. Alice Balido, habang 10 estudyante ng Initao College ang nagtamo ng bahagyang pinsala.
Naganap ang pagsabog sa campus ng paaralan sa Brgy. Jampason, dakong alas-11:20.
Bago ito, inulat sa lokal na pulisya ng isang concerned citizen na may lalaking nanggugulo at nagdudulot ng komosyon sa paaralan.
Hinagisan ng granada ng lalaki ang mga pulis nang sila’y dumating, ani Velarde.
Pero sa isang video na kumakalat sa social media, makikitang sinubukang agawin ng isang pulis ang granada mula sa lalaki, bago ito sumabog.
Kasunod nito’y lumapit na ang isa pang pulis at pinagbabaril ang suspek.
Dinala ang mga sugatan sa Misamis Oriental Provincial Hospital-Initao para malunasan.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang lokal na pulisya para malaman ang iba pang detalye ng insidente, ani Velarde.