NAHAHARAP ngayon sa kaso ng rape ang isang pulis sa Atimonan, Quezon, para sa diumano’y paghalay sa isang babaeng detainee sa presinto.
Kinilala ni Col. Audie Madrideo, direktor ng Quezon provincial police, ang suspek bilang si EMsgt. Romulo Carpio, nakatalaga sa Atimonan Police Station.
Una dito, inireklamo ng detainee na si “Rosemae” (di tunay na pangalan) si Carpio para sa panghahalay.
Nakaditine sa naturang istasyon ang 49-anyos na babae para sa kasong theft.
Sinabi niya sa pulisya na naliligo siya sa palikuran ng istasyon dakong alas-11 ng umaga noong Linggo, nang biglang pumasok si Carpio at siya’y hinalay.
Agad dinampot ang suspek na pulis nang sumunod na araw, nang malaman ni Maj. Alejandro Onquit, hepe ng Atimonan Police, ang insidente.
Ipinagharap na si Carpio ng kasong rape sa Office of the Provincial Prosecutor sa Lucena City.
Nagbabala si Madrideo na di siya mangingiming kasuhan at ipasibak sa serbisyo ang mga pulis na sangkot sa krimen at iba pang iligal na gawain sa lalawigan. (John Roson)
– end –