SINABI ng Palasyo na tiyak na may mananagot sa kapalpakan sa 30th Southeast Asian Nation (ASEAN) Games.
Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na tatapusin lamang ang pagdaraos ng SEAG bago ang pagtukoy sa mga dapat maparusahan.
“Alam mo si Presidente, kausap ko siya kagabi, hindi siya masaya sa mga naririnig niya kaya sabi niya, kailangan ayusin nila yung ginagawa nila para hindi tayo mapapahiya sa ibang bansa. Sabi niya, mananagot yung mga may kasalanan kung meron man,” sabi ni Panelo.
Idinagdag ni Panelo na paiimbestigahan ni Duterte ang umano’y iregularidad sa SEAG.
“Eh ganoon pa man, pinapaimbestigahan pa rin ni Pangulo kung anuman ang mga irregularidad at mga incompetence o corruption na nababalita sa diyaryo kaya nga pinapa-validate,” ayon pa kay Panelo.
Hindi naman tinukoy ni Panelo kung sino ang magsasagawa ng imbestigasyon.
“Merong aatasan si Pangulo diyan. Bahala na si Pangulong Duterte,” ayon pa kay Panelo.
Nanawagan naman si Panelo sa publiko na tumulong para matiyak ang tagumpay ng pagdaraos ng SEAG sa bansa.
“Eh basta kung ganoon pa man, kung ano pa man ang kakulangan, tulungan na lang natin,” dagdag ni Panelo.