SINUPORTAHAN ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang suspensyon ng klase sa lahat ng paaralan at unibersidad sa Metro Manila para bigyan daan ang pagdaraos ng 30th Southeast Asian (SEA) Games sa bansa.
“On our part, we support the calls na magdeclare ng class suspension [to declare class suspension] if that decision is going to be made,” sabi ni DILG Undersecretary and Spokesperson Jonathan Malaya sa isang press conference.
Idinagdag ni Malaya na naglalayon itong maibsan ang bigat ng trapiko sa SEAG.
Iginiit ni Malaya na kinakailangan ang pagdedeklara ng walang klase dahul maraming lugar sa National Capital Region (NCR) ang pagdarausan ng SEAG.
Ayon sa opisyal na website ng 2019 SEA Games, gaganapin ang mga laro sa SEAG sa 19 na lugar sa Metro Manila.
Nauna nang nagsuspinde ng klase ang Arellano Law School, St. Scholastica’s College at De La Salle University-Manila mula Disyembre 2 hanggang Disyembre 7.
Kanselado naman ang klase sa St. Paul College Pasig at St. Pedro Poveda College mula Disyembre 2 hanggang Disyembre 6.
Nakatakdang ganapin ang SEAG mula Nobyembre 30 hanggabg Disyembre 6.