Jessica Soho kay Ed Caluag: Matakot ka na sa akin, may third eye rin ako!
SINAGOT ng award-winning broadcast journalist na si Jessica Soho ang tanong ng netizens kung bakit hindi siya sumasama sa paranormal investigation ni Ed Caluag.
Bilang bahagi ng 15th anniversary ng Kapuso Mo, Jessica Soho, buong-tapang na sinagot ni Jessica ang ilang tanong ng kanyang supporters kabilang na nga ang tungkol sa paranormal expert na si Ed Caluag.
“Kasi po baka mawalan ng trabaho si Ed…matakot ka na sa akin. Kasi alam kong meron din akong ganoong ability,” sagot ng Kapuso TV host.
Pagpapatuloy niya, “May nakapagsabi sa akin na may third eye rin ako at nabuksan na ‘yun. Noong college, sa isang Psychology class, kasi hypnosis ‘yung topic namin tapos tinanong ng teacher kung sino gusto magpa-hypnotize,nag-volunteer ako. ‘Yun pala, kapag nagpa-hypnotize ka parang nabubuksan ‘yung third eye mo.
“So alam ko bukas ‘yung third eye ko at marami rin akong mga kakaibang karanasan, nakakita na rin po ako ng multo sa opisina namin mismo sa GMA News, tapos meron din akong mga nararamdamang bagay,” paliwanag pa ni Jessica.
“Alam ko na kung gugustuhin ko, kaya ko ‘yung ginagawa ni Ed Caluag kaya matakot ka na sa akin Ed. Kaso ayaw ko kasi duwag din po ako sa mga bagay na hindi maipaliwanag, so para lang hindi na ako makahalo pa du’n sa mga ginagawa ni Ed.
“At sa mga natutulungan niya, hindi na po ako sumasama kasi baka sa ‘kin din po magparamdam ‘yung mga hindi naman dapat. Kay Ed na lang po kayo pumunta. Ayun po ‘yung totoong dahilan,” chika pa ng broadcast journalist.
May iba pang phobia ang KMJS host na talagang sinubukan niyang labanan para sa kanyang show,
“Takot po talaga ako sa winter, takot po ako sa snow. Kasi nagkakasakit po ako kapag maginaw. Kaso naisipan ng production staff na dalhin ako every year sa mga malalamig na lugar.
“Kasi tamang-tama sa Christmas, kasi ang usual na gusto ng mga Pilipino, White Christmas. Memorable sa ‘kin ‘yun kasi maski papaano nawawala ‘yung phobia ko,” aniya pa.
Naikuwento rin niya kung paano nagsimula ang KMJS 15 years ago, “Bago po nagkaroon ng KMJS, meron munang JSR o Jessica Soho Reports. Late night po ‘yun, and then isang araw naisipan po namin na sayang naman ‘yung mga kwento natin. Sana marami pang makapanood, hindi lang ‘yung strictly News and Public Affairs Audience. Kaya nag-pitch kami na malagay siya sa primetime. Ayun po ang naging simula ng KMJS.”
Ano ang mga favorite episodes niya sa show? “Tuwing meron kaming napagre-reunite o merong mga nawawalang nahahanap, parang nadadagdagan kami ng points sa taas. Nakarating din po tayo sa ibang malalayong lugar.”
Ano ang sikreto ng programa bakit tumagal ito ng 15 years at palagi pang trending sa social media? “Kasi ang KMJS ay kuwento n’yo rin po, kuwento nating lahat.
“Natutuwa ako kasi maski papaano kasi ‘yung mga malalalim o breaking stories, naihahatid pa rin namin sa ‘yo,” dagdag pa niya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.