Lloydie proud daddy kay Elias; spotted sa Cebu airport

JOHN LLOYD CRUZ AT ELLEN ADARNA

PINUSUAN ng maraming netizens ang isang Instagram post kung saan makikitang kasama ni John Lloyd Cruz ang kanyang anak na si Elias Modesto.

Sa mga hindi pa nakakaalam, si Elias ay sinasabing anak ni Lloydie sa dating sexy star na si Ellen Adarna. Hanggang ngayon ay ine-enjoy pa rin ng aktor ang pribadong buhay.

Mula noong magpahinga sa mundo ng showbiz ang Kapamilya actor ay hindi pa rin siya nagsasalita tungkol sa relasyon nila ni Ellen, pati na sa pagkakaroon nila ng anak. Nakikita na lang siya sa mga litratong ipino-post ng mga netizens na nakakakita sa kanya sa iba’t ibang lugar.

At nito ngang nakaraang Linggo, muling nakita ang aktor sa Mactan Cebu International Airport kasama ang anak nila ni Ellen na si Elias. Isa ang kilalang pari na si Fr. Tito Caluag sa mga nakakita sa aktor na nagkaroon pa ng chance na makapagpa-selfie sa mag-ama.

Caption ni Fr. Caluag sa kanyang Instagram post, “Coming back from the First Integrated STEM Summit in Cebu, it was nice to bump into JLC and Elias. Something very good is brewing. Coming soon.”

Wala namang nabanggit ang pari na kilalang malapit sa mga artista kung paalis pa lang sina John Lloyd at Elias sa Cebu o kararating lang. Balitang doon na naninirahan si Lloydie kasama si Ellen.

Ilang buwan na ang nakararaan nang mapabalitang naghiwalay na raw sina John Lloyd at Ellen at “co-parenting” na lang daw ang “status” ng kanilang relasyon. Hanggang ngayon ay hindi pa rin nagsasalita ang mga magulang ni Elias tungkol sa isyung ito.

Mukhang hindi naman talaga nagtatago si Lloydie sa publiko dahil proud daddy nga ang drama niya nang mamataan siya sa airport. At in fairness, ang daming nakyutan kay Elias na nagsabing kamukhang-kamukha raw ni Ellen.

Pero ang talagang ikinatuwa ng mga fans ni Lloydie ay ang sinabi ni Fr. Caluag na “Something very good is brewing. Coming soon.” Ito na kaya ang sinasabing hudyat ng pagbabalik sa showbiz ng aktor?

Nitong mga nakaraang buwan ay may mga nagawa nang endorsements si Lloydie, kabilang na ang isang shawarma brand kung saan nakasama niya sina Piolo Pascual at Bea Alonzo. Pero pagkatapos nito ay wala nang nabalita tungkol sa pagbabalik niya sa acting.

Read more...