Higit 200 vaper dinampot, laya uli

INANUNSYO ng National Police na 243 katao na ang dinampot dahil sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa paggamit ng electronic cigarettes sa mga pampublikong lugar, pero inamin na wala itong magawa kundi palayain sila ulit hanggat walang espesipikong batas.

“In the meantime, ang atin lamang magagawa ay sitahin sila at dalhin sa presinto upang magpaliwanag,” sabi ni PNP spokesman Brig. Gen. Bernard Banac.

Batay aniya sa ulat ng mga regional office, 195 katao ang dinampot para sa lantarang paggamit ng e-cigarettes o “vapes,” sa Central Visayas lamang.

Unang inulat ng National Capital Region Police na 10 vape users ang nadampot sa Metro Manila, habang may ilan pang dinampot sa mga lalawigan ng Quezon at Batangas.

Nakakumpiska na ang pulisya ng 318 e-cigarette at 666 botelya ng vape juice, ani Banac.

Iginiit ni Banac na ang pagdampot sa vape users ay alinsunod sa Executive Order 26 o ang ban on public smoking, at pasok din sa Republic Act 9749 o ang Clean Air Act at R.A. 9211 o ang Tobacco Regulation Act.

“Because 70 to 75 percent of vape ingredients are nicotine-based, [these] come within a purview of R.A. 9211 as tobacco products,” aniya.

Ayon kay Banac, walang nakikitang problema ang PNP sa muling pagdampot sa isang tao na dati nang nadakip sa lantarang paggamit ng vape pero pinalaya dahil sa kawalan ng batas.

“Sila (vapers) lang ang maaabala. Patuloy nating gagawin ang ating mandato habang inaantabayanan ang maaaring ilabas na batas na magbibigay ng specific na parusa para sa mga violator,” aniya pa.

Read more...